PINOY OOBLIGAHIN SA BOOSTER SHOT VS COVID-19

PINAG-IISIPAN ng pamahalaan na isama ang booster dose bilang requirement para makonsidera ang isang indibidwal bilang fully vaccinated laban sa COVID-19.

Sinabi ni Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Dr. Myrna Cabotaje na tinukoy ng World Health Organization (WHO) ang terminong “fully vaccinated” para sa mga nakakuha na ng kanilang primary vaccine series.

Dahil dito, pinag-usapan ng mga lokal na opisyal na idetermina kung ang booster dose ay maaaring idagdag bilang requirement para sa fully vaccinated individuals para hikayatin ang mas maraming tao na makakuha ng kanilang third dose o booster jabs.

“We are looking at the possibility of adding a booster dose, baka pwedeng fully vaccinated, updated na vaccination para mahikayat ‘yung mga tao. The studies are currently being discussed, ano pa ‘yung pwede nating gawin para ma-encourage ‘yung ang ating mamamayan magpa-booster,” ayon kay Cabotaje.

Noong nakaraang linggo, ipinanukala ni Presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion na ang terminong “fully vaccinated” ay i-redefine para sakupin ang mga taong nakakuha na ng kanilang booster shot.

Ang panukalang ito ay pinalagan ng ilang eksperto, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi aniya tama na gawin ito, lalo pa’t ang institusyon gaya ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ay hindi naman ni-redefine ang kanilang kahulugan sa “fully vaccinated.”

Sang-ayon naman si Cabotaje sa panukala ni Concepcion na lagyan ng expiry date ang validity ng vaccination cards at palitan ito ng booster cards sa oras na mapaso’ na.

Gayunman, binigyang diin nito na dapat may “detailed enforcement” ng vaccine cards upang makita kung gaano kahuli na ang pagbabakuna sa isang tao, o kung ang vaccine cards na kanilang ipini-presenta sa ilang establisimyento ay pag-aari talaga ng mga ito.

Sinabi ni Cabotaje na tanging 12 milyon ng target population ang nakatanggap ng kanilang booster shots, at kailangan ng gobyerno na pataasin ang booster drive nito dahil na rin sa paghina ng immunity mula sa primary vaccine series makaraan ang maikling panahon. (CHRISTIAN DALE)

153

Related posts

Leave a Comment