BRGY, SK ELECTION SA 2023, LUSOT SA HOUSE PANEL

comelec123

(NI ABBY MENDOZA)

LUSOT na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang panukala na naglalayong ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Inaprubahan ng komite na sa halip na sa Mayo 2020 ay gagawin na ito sa Mayo 2023.

Matatandaan na una nang hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na itakda sa Oktubre 2022 ang Barangay at SK Election subalit umapela ang Commission on Elections(Comelec) na panatilihin ang 1 year gap sa pagdaraos ng national at barangay election, ang susunod na national election ay Mayo 2022  kaya itinakda ang barangay election  sa taong 2023.

Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang postponement ay para mabigyan ng pagkakataon ang Comelec ng sapat na panahon upang makapaghanda.

May 30 panukala ang inihain ng mga mambabatas sa Kamara para sa Barangay at SK Election postponement.

Sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, isa sa may akda ng panukala,  na hindi kakayanin ng Comelec na idaos agad sa Mayo 2020 ang barangay election, kailangan ng poll body ng sapat na panahon lalo at katatapos lamang ng midterm elections noong May 13, 2019.

Katwiran ng mambabatas, dapat tiyakin ng Comelec na mabibigyan ng oras ang mga kabataang Pilipino na magparehistro bilang first time voters upang makalahok sila sa botohan.

Nakapaloob sa panukala ni Pimentel na mananatili sa puwesto ang nasa 670,000 barangay at SK officials hanggang hindi pa naidaraos ang eleksyon.

 

145

Related posts

Leave a Comment