(NI BERNARD TAGUINOD)
NANGANGANIB na hindi makatapos ang maraming iskolar ng bayan matapos bawasan ang budget para pondohan ng gobyerno ang kanilang pag-aaral.
Ito ang nabatid kay ACT Rep. France Castro matapos tapyasan ang budget para sa Universal Access to Quality Tertiary Education sa susunod na taon gayung nasa ikalawang taon pa lamang ang nasabing batas.
Ayon sa mambabatas, binawasan ng P12.4 bilyon ang budget ng Commission on Higher Education (CHED), Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng mga State Universities and Colleges (SUCs) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).
Sa nasabing halaga, P7.15 Billion dito ang ibinawas sa CHED gayong mahalaga ang pondong ito para maipagpatuloy ng mga estudyante sa mga SUCs ang kanilang pag-aaral.
“Primary agencies with crucial items that implement the Universal Access to Quality Tertiary Education (RA 10931) incurred cuts in the 2020 budget,” ayon sa mambabatas.
Base sa nasabing batas, libre ang pag-aaral ng mga estudyante sa mga SUCs o wala silang binabayarang tuition subalit dahil binawasan ng gobyerno ng pondo ang programang ito ay tiyak na maraming estudyante ang mapipilitang huminto sa pag-aaral.
Sinabi ni Castro na lalong liliit ang bilang ng mga estudyante na tatanggapin ng mga SUCs dahil dito kaya kawawa aniya ang mga mag-aaral na mahihirap.
Binawasan din umano ng P280.49 milyon and Promotion, Development and Implementation of Quality Technical Education and Skills Development Programs ng TESDA gayong kailangan ito sa mga scholars ng mga technical educations.
Umaabot naman umano sa 53 SUCs ang binawasan ng P57.76 milyon sa kanilang MOOE kaya madadale rin umano ang pagpapalawak pa ng nasabing programa para sa libreng edukasyon.
236