CARDEMA DAPAT MANAGOT SA P36-M EXPENSES – SOLON

PINITIK ng isang mambabatas si National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema matapos itong sitahin ng Commission on Audit (COA) hinggil sa P36 million travel and training expenses ng kanyang tanggapan.

Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, kailangang mapanagot si Cardema sa kuwestiyonableng paggastos sa pondo ng NYC dahil paulit-ulit umano itong ginagawa.

“Hindi ito ang unang beses na nadawit ang NYC sa anomalya. Noong 2021, may pondo sila na ginamit para sa aktibidad ng NTF-ELCAC imbes na para sa training ng mga SK official,” ayon sa mambabatas.

Base sa 2022 audit report ng COA, gumastos umano ng P31.4 million ang NYC para sa training habang umaabot sa P5.43 million naman ang travel expenses ng nasabing ahensya.

Kasama sa sinita ng COA ang P1.28 million excessive payment para sa mga hotel room reservation sa isinagawang summit ng NYC at SK leaders sa iba’t bahagi ng bansa kasama ang Boracay,

Baguio City, Bohol, Batangas at Ilocos Norte.

Sa depensa ng NYC, hindi umano dumating ang mga kabataan na kasama sa training dahil nagpositibo ang mga ito sa COVID-19 test.
“Although plausible the above-justifications could not be validated and accounted for since these were unsubstantiated for lack of proof such as medical records and letters from the participants,” ayon sa report ng komisyon.

Dahil dito, kinastigo ni Manuel si Cardema dahil bukod sa kuwestiyonableng paggastos sa pondo ng mga kabataan ay ginagawa umano nitong traning ground ang NYC sa magiging trapo o traditional politician.

“Maliban diyan, sinusuportahan ni NYC Chair Ronald Cardema ang Mandatory ROTC at siya mismo ay nangunguna sa red-tagging at pambabastos sa mga kabataan. Ang tunay na kabataan, hindi gaya ni Cardema na ginawang training ground sa pagiging trapo ang NYC. Dapat ‘di siya tularan ng mga tatakbo at mga uupo sa SK,” dagdag pa ni Manuel. (BERNARD TAGUINOD)

107

Related posts

Leave a Comment