EXCISE TAX PINABABASURA KAY MARCOS

HUMIRIT ang isang dating mambabatas kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na iutos sa Kongreso na tanggalin ang excise tax sa mga produktong petrolyo na isa sa mga dahilan ng mataas na presyo nito.

Bukod dito, sinabi ni dating Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na amyemdahan ang Oil Deregulation Law at atasan ang Department of Energy (DOE) na idetalye ng mga kumpanya ng langis kung magkano ang kanilang kita sa bawat litro ng mga produktong petrolyo.

“We call on the Department of Energy to closely scrutinize oil companies and hold them accountable for their exorbitant pricing schemes. Oil prices must now be unbundled and VAT as well as excise tax on oil should now be scrapped,” ani Gaite.

Sinabi ng dating mambabatas na dagdag pahirap ang mga kumpanya ng langis dahil isinasabay ng mga ito ang pagtaas ng presyo sa panahong gipit na gipit ang mga Pilipino at dumadaan sa matinding pagsubok dahil sa kalamidad.

Noong Martes ay muling nagpatupad ng oil price increase ang mga kumpanya ng langis kung saan P3.50 ang itinaas sa bawat litro ng diesel, P2.10 sa gasolina maging ang mga liquified petroleum gas (LPG).

Sinabi naman ni House assistant minority leader France Castro na kung mayroong dapat iprayoridad ang Kongreso ay hindi ang mga karagdagang buwis na magpapahirap sa mamamayan kundi ang mga panukalang may kaugnayan sa mga oil industry.

Kabilangan aniya rito ang pag-alis, hindi lamang sa value added tax (VAT) kundi ang excise tax sa langis, pag-obliga sa oil companies na i-unbundle ang kanilang presyo upang malaman kung overpriced o hindi, pagbili muli sa Petron at pagtatag ng National Petroleum Exchange Coporation. (BERNARD TAGUINOD)

95

Related posts

Leave a Comment