(NI KIKO CUETO/PHOTO BY RAFAEL TABOY)
ASAHAN ang matagalan at araw-araw na ‘carmageddon’ sa South Luzon Expressway, kung saan ang mga northbound na mga sasakyan ay inaasahang patuloy na maiipit sa matinding pagsisikip ng trapiko dahil sa Skyway extension project.
Ang proyekto ng Skyway O&M Corporation (SOMCO) ay tatagal ng hanggang Disyembre 2020 o mahigit 1 taon pa mula ngayon.
Maglalagay sila ng mga posts sa northbound lane ng 5-kilometer Skyway extension na siyang magsisilbing daan para hindi na dumaan ang mga motorista sa Alabang viaduct, na isang kilalang traffic chokepoint.
Gayunman, babala ni SOMCO president Manuel Bonoan, ang construction sa southbound lane ay sisimulan ‘in the near future’ na lalong magpapabigat sa trapik.
“‘Pag sinimulan din namin iyong paglagay ng mga piece, poste para sa extension ng southbound, medyo may disturbance na rin na mararanasan natin eventually,” sinabi nito.
Maraming motorista ang nagrereklamo na sa matinding trapik at inaasahang mas sisikip ito sa uwian sa darating na Undas at sa Pasko.
Umaasa naman ang pamunuan ng SLEX na makagagawa sila ng mga alternatibong mga ruta.
179