(NI ABBY MENDOZA)
HINIMOK ni incoming House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga PDP-Laban members, partikular sa Kamara, na sumama sa binuong bagong supermajority partikular ang Diehard Duterte Supermajority(DDSM).
Ayon kay Cayetano layunin ng DDSM na mareporma ang supermajority at maibalik ang kredibilidad at maiwasan ang pagkakahati-hati ng partido sa Mababang Kapulungan.
Sinabi rin ni Cayetano na maglalatag din ng ground rules ang Kamara upang maiwasan na mabahiran ng dumi at maging patas sa lahat ng magiging hakbang.
Tiniyak din nito na pagkakaisahin niya ang mga kongresista sa ilalim ng kanyang pamamahala bilang Speaker sa loob ng 15 buwan.
Aniya, unang aatupagin ng mga kongresista sa pagbubukas ng 18th Congress ang pagpasa sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.
Sisikapin umano na maipasa ang 2020 national budget sa Oktubre bago ang unang session break.
Kasama rin sa agenda ng Kamara ang lahat nang natitirang tax measures ng administrasyong Duterte na nagawa namang maipasa noong nakaraang Kongreso pero hindi tuluyang naisabatas.
Gayundin, sinabi ni Cayetano na susubukan nilang magpasa ng tatlong local bills ng bawat kongresista para naman sa pakinabang ng kanilang mga distrito.
Bibigyan din ng pagkakataon ang bawat miyembro na maisulong ang kanilang top 5 national at top 5 local bills.
Plano rin ng susunod na liderato na magkaroon ng monthly meeting sa kanilang counterpart sa Senado at maging sa Ehekutibo para mapabilis ang pag-apruba sa mga legislative agenda.
WALANG BANTA SA SONA
Samantala tiniyak ng Kamara na walang banta sa seguridad sa SONA.
Sinabi ni House Sergeant at Arms Major General Romeo Prestoza, base sa pakikipag-ugnayan nila sa intelligence units ng Armed Forces kabilang ang NICA o National Intelligence Coordinating Agency at walang actual threat sa SONA gayunpaman tiniyak nito na nakahanda sila sa anumang pwedeng mangyari.
Sumasailalim umano sa sa extensive training at seminar ang kanilang mga tauhan kung saan kasama sa ginagawa ang pagtugon sa emegency.
Aabot sa 1,500 bisita ang ia-accomodate sa loob ng session hall sa SONA ng Pangulo sa July 22.
Ayon kay House Secretary General Roberto Maling, kabilang sa mga ito ang mga miyembro ng Gabinete, mga dating presidente at opisyal ng gobyerno, mga miyembro ng diplomatic corps, at local government officials.
130