(Ni BERNARD TAGUINOD)
IDUDULOG na sa Korte Suprema ng mga militanteng mambabatas para ipadeklarang unconstitutional ang loan agreement na pinasok ng Filipinas sa China dahil sa pag-collateral sa patrimonial assets ng bansa.
Sa press conference ngayong Huwebes sa Kamara, sinabi ni Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao na maghahain ang mga ito ng “declaratory relief” petition sa Korte Suprema sa Abril 3, 2019 kaugnay ng loan agreement sa Chico river project kung saan dehado umano ang Pilipinas.
“(layon ng petisyon) is to.. forcing the GRP (Government of the Republic of the Philippines) to, umalis, kumalas to a dangerous provisions that resort to a total sell out of our national sovereignty,” pahayag ni Casilao.
Base aniya sa dokumento na nakuha ng mga ito ukol sa loan agreement sa Chico river projects na popondohan ng China ng $62 Million, nai-collateral umano rito ang mga patrimonial assets ng gobyerno tulad ng natural resources kaya nanganganib na angkinin ng China ang Reef Bank of Recto Bank sa West Philippine Sea kapag hindi nakabayad ang mga Filipino sa nasabing utang.
Dahil dito, kailangang umanong tumakbo na sa Korte Suprema dahil paglabag umano ito sa Saligang Batas na hindi puwedeng ipang-collateral ang mga government assets sa mga utang.
“Pumasok ang gobyerno sa kasunduang ito na tila baga, ibinenta ng gobyerno ang pambansang soberenya at ito ang nais nating labanan. Matapos at matapos ang eleksyon na ito, anuman ang kahihinatnan ng eleksyon na ito lalabanan natin ito dahil nga nakasalalay rito ang pambasang patrimonya at soberenya ng ating bansa,” ani Casilao.
Sinabi naman ni ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio, mistulang nauto si Pangulong Rodrigo Duterte ng China sa nasabing loan agreement dahil ang nasunod dito ay ang kagustuhan ng gobyerno ni Chinese President Xi Jinping.
Ayon kay Tinio, walang ipinagkaiba ang loan agreement sa Chico river sa kasunduan na pinasok ng Sri Lanka sa China na nang hindi makabayad sa utang ay kinuha ng gobyerno ni Jinping ang kanilang patrimonial assets na Hambantota Port bilang pambayad.
“Nauto at nagpauto si Pangulong Duterte (sa China) dahil pumasok siya sa debt trap kaya tama lang na gumawa tayo ng mga hakbang para makaalis at mabawi at maibasura ang mga pautang na ito,” ani Tinio dahil bukod sa Chico river ay mayroon pa aniyang 18 iba pa na proyekto na popondohan ng China.
199