CHINESE FISHERMEN LANG NASA PAGASA ISLAND — ZHAO

jiao china12

(NI BETH JULIAN)

KINUMPIRMA ni Chinese Ambassador Zhao Jianhua na pawang mga magingisdang Chinese at hindi militia men ang sakay ng mga Chinese vessels na nasa Pagasa Island.

Sinabi ni Zhao na katulad ng mga mangingisdang Pilipino na nasa Pagasa Island, mayroon din silang mga mangingisda sa lugar.

Sa pagbisita kahapon ng hapon ni Zhao sa Malacanang sa opisina ni Presidential spokesman Atty. Salvador Panelo, sinabi nito na ang lumabas na ulat na nasa 600 mga Chinese vessels ang nasa Pagasa ay kinakailangan pa ng ibayong imbestigasyon.

Sinabi pa ng ambassador na hindi rin armado ang mga mangingisdang nasa Pagasa Island.

Ayon pa kay Zhao, mabuting itanong kay Defense Secretary Delfin Lorenzana kung ano ang resulta ng isinasagawang monitoring nila sa lugar hinggil sa presensya ng Chinese fishing vessel sa nasabing Isla.

Samantala, kaugnay naman sa pagtataboy ng Chinese sa mga  Pinoy fishermen sa Panatag Shoal sa Masinloc, Zambales, sinabi ni Zhao na itinanggi na ito ng mga kinauukulan sa Pilipinas.

Dito ay ipinayo ni Zhao sa mga mangingisdang Pinoy, maaari naman mangisda sa Panatag Shoal.

Gayunman, dahil parehong may concerns ang Pilipinas at China sa lugar, sinabi nito na kailangan ding ikonsidera kung hanggang saan bahagi lamang ng shoal kailangang makalapit ang parehong mangingisda.

Iginiit pa ni Zhao na dapat ay alam ng bawat panig na may limitasyon lamang sa distansya ng pangingisda sa Panatag Shoal.

Tiniyak naman ni Zhao na ang mga isyung ito ay parehong tinututukan ng kanilang pamahalaan at ng gobyerno ng Pilipinas sa isang diplomatikong pamamaraan at bilang konsiderasyon sa pagiging mas malapit at magandang relasyon ngayon ng dalawang bansa.

142

Related posts

Leave a Comment