CLASS OPENING SA AGOSTO 24, TATALAKAYIN SA SENADO

BUBUSISIIN ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian kung nararapat bang buksan ang klase sa buong bansa sa Agosto 24 alinsunod sa itinakda ng Department of Education (DepEd), mayroon mang vaccine o wala.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on Basic Education, na kanyang inihain ang Senate Bill No. 1541 na may layunin na amyendahan ang Section 3 ng Republic Act No. 7797 o “an Act to Lengthen the School Calendar from Two Hundred (200) Days to Not More Than Two Hundred Twenty (220) Class Days.”

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ang Pangulo ng Pilipinas ng kapangyarihang mamili ng ibang petsa para sa pagbubukas ng school year tuwing magkakaroon ng state of emergency.

Maaaring ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa buong bansa o sa iba’t ibang lugar na apektado ng mga sakuna. Ang panibagong petsa ng pagbubukas ng klase ay irerekomenda naman ng Kalihim ng Department of Education.

Sa ilalim din ng Senate Bill No. 1541, nananatili sa Kalihim ng DepEd ang kapangyarihang itakda ang pagwawakas ng kasalukuyang school year.

Kasama sa magiging basehan nito ang Christmas at summer break, pati na rin ang mga sitwasyon na kinakaharap ng bawat rehiyon.

Nananatili rin sa kalihim ng DepEd ang kapangyarihang pahintulutan ang pagsasagawa ng klase tuwing Sabado para sa elementary at high school sa parehong pribado at pampublikong paaralan.

Ang Senate Bill No. 1541 ay isang substitute bill ng pinagsama-samang mga panukala nina Senador Joel Villanueva, Francis Tolentino, at Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

SUSPENDIDO

Samantala, sinabi ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi niya papayagang magbukas ang klase sa Agosto hangga’t wala pa ring available na bakuna o vaccine laban sa COVID-19.

Sa public address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, araw ng Martes, May 26 ay sinabi nito na useless na pag-usapan sa ngayon ang pagbubukas ng klase ng walang bakuna o vaccine laban sa covid.

“I will not allow the opening of classes. Bahala na,” ayon sa Pangulo.

“Wala nang aral. Laro na lang. Unless I am sure that they are really safe,” dagdag na pahayag ng Pangulo.

Matatandaang, inanunsyo ni DepEd secretary Leonor Briones na ang pagbubukas ng school year 2020-2021 ay sa ika-24 ng Agosto, habang patuloy pa ring nakikipaglaban ang bansa sa banta ng COVID-19 pandemic. ESTONG REYES, CHRISTIAN DALE

60

Related posts

Leave a Comment