HANDA na umano ang isang grupo ng Commission on Election (Comelec) na pinangungunahan ni Comelec spokesperson James Jimenez na sugpuin ang mga posibleng kakalat na mga “fake news” hinggil sa midterm elections sa social media kasabay ng pagsisimula ng overseas voting nitong April 13, sa ilang panig ng mundo.
Ito ay kasabay din sa matinding paghahanda ng Comelec sa aktwal na midterm elections.
Sinabi ni Jimenez na nagsanay umano ang kanyang grupo upang agad na makapagresponde sa mga posibleng fake news hinggil sa midterm election.
May mga paraan umano at kakayahan ang kanyang grupo na tanggalin agad sa mga social media sites ang fake news upang hindi na kumalat o mabasa pa ng mas maraming tao.
Aniya, pinag-aralan umano nila kung ano ang pinaka-epektibong solusyon upang masugpo ang mga nasabing klase ng balita na kakalat sa internet, lalo na sa mga social networking sites tungkol sa ilang pekeng tao o sitwasyon na sisira sa kredibilidad ng Comelec.
Una nang sinabi nito na isa umano sa mga fake news na inaasahan nilang lalabas sa pagsisimula ng overseas voting ay ang video ng mga botante na nagsasalita sa kanilang local dialect kung saan sinasabi nila na hindi tama ang lumabas sa kanilang resibo na mahigpit naman nitong kinondena at pinasinungalingan.
Inaasahan na rin umano ng ahensiya na may mga taong gagawa ng eksena o scenario hinggil sa iba’t ibang klase ng dayaan na sa kalaunan ay isisi ang kapalpakan sa poll body.
138