COMMON TOWER NI RJ JACINTO SINUPALPAL SA KAMARA

RJ JACINTO-2

(Ni BERNARD TAGUINOD)

SINUPALPAL sa Mababang Kapulungan ng Kongreso si Presidential Adviser on Economic Affairs and Information Technology Communications Ramon “RJ” Jacinto sa plano umano nito na pribadong kumpanya ang magtatayo ng common tower ng mga telecommunication companies (Telcos).

Sa panayam ng Saksi kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) party-list Rep. Antonio Tinio, wala umano itong problema na magkaroon ng common tower ang mga telcos upang maiwasan ang sangkaterbang cellsite towers sa bansa.

Gayunpaman, kontra si Tinio sa ideya ni Jacinto na mga pribadong kumpanya ang magtatayo ng mga cellsite na gagamitin ng mga telcos dahil kung mayroon umanong dapat magtayo ng mga imprastrakturang ito ay ang gobyerno mismo.

“Alam ko sa Japan ganun, gobyerno lang ang nagtatayo sa mga tower so mas efficient, di kailangang magdoble, doble. Pati yung usapin ng lote, ganyan ano at mainsure yung pantay na coverage nationwide di ba,” ani Tinio.

Dahil dito, ang gobyerno umano ang dapat magtayo ng mga cellsite towers at gayahin ang Japan model at huwag itong ipaubaya sa mga pribadong kumpanya na pagkakakitaan lang.

“Yung kay RJ na proposal naman, ang problema ko pa rin dito mga pribadong kumpanya pa rin ang bibigyan ng mandato, hindi direktang government o ano ito, lumilikha ng mga monopolyo,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinabi ng kongresista na malaking negosyo sa mga pribadong kumpanya na papaboran ang itinutulak na ideya ni Jacinto at wala pang kasiguraduhan ang seguridad ng mga telcos dahil hindi gobyerno ang mamamahala sa mga tower.

6

Related posts

Leave a Comment