CONSTITUTIONAL CRISIS SA PANGHIHIMASOK NG ICC

(DANG SAMSON-GARCIA)

NANGANGAMBA si Senador Ronald Bato dela Rosa na mauwi sa constitutional crisis ang anya’y panghihimasok ng International Criminal Court sa mga usapin sa bansa.

Sa kanyang privilege speech, hiniling niya sa mga kasamahan na huwag itong hayaang mangyari at bantayan ang sitwasyon sa bansa.

Iginiit ni Dela Rosa na kung magkaroon man ng arrest warrant ang ICC ay hindi ito dapat ipatupad ng Philippine National Police o ng local law enforcement agencies dahil batay na rin anya sa opinyon ng ilang legal luminaries ang anomang warrant of arrest na ipalalabas sa sinomang Pinoy ay dapat magmula sa local courts.

Oras anyang ipatupad ito ng PNP ay maaari silang makasuhan ng serious illegal detention.

Kung tama anya ang opinyon ng ilang legal luminaries na kanyang nakausap, nananawagan siya sa Office of the President na protektahan ang law enforcers, ang PNP at ang NBI at huwag silang bigyan ng utos na maaaring maglagay sa kanila sa alanganin.

Binalaan din ng senador ang mga opisyal ng gobyerno na hahayaang makapasok sa bansa ang ICC dahil maaari silang ireklamo ng paglabag sa konstitusyon.

Ipinaalala pa ng mambabatas na maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagsabing hindi niya kinikilala ang hurisdiksyon ng ICC sa ating bansa subalit iba naman ang kilos ng kanyang alter ego tulad ni Solicitor General Menardo Guevarra at maging si Justice Secretary Boying Remulla.

Binigyang-diin naman ni dela Rosa na hindi siya takot at maging si Dating Pangulong Rodrigo Duterte na harapin ang prosekusyon pero dapat ito ay mula sa local courts ng bansa at hindi sa mga banyaga.

48

Related posts

Leave a Comment