CONTRACTOR NI DIOKNO ATRAS; BILYONES KOMISYON ‘LUMIPAD’

pork13

(NI BERNARD TAGUINOD)

KUNG nagpista ang isang contruction company na laging nananalo sa bidding sa mga proyekto ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno lalo na noong 2018, bigla itong nabokya ngayong 2019 matapos pumutok ang P75 billion pork barrel scam.

Ang tinutukoy ni House appropriation committee chairman Rolando Andaya Jr., ang C.T Leoncio Construction na biglang nabokya sa listahan ng mga nanalong bidders sa Department of Public Works and Highways (DPWD)  projects matapos mabura ang P1 billion halaga ng proyekto na kanilang napanalunan sa Sorsogon at Catanduanes.

“Sa unang listahan, malinaw na nanalo ang C.T. Leoncio sa bidding ng mga bagong proyekto sa Sorsogon at Catanduanes. Pero nang pumutok na ang anomalya sa DBM, biglang nabago ang listahan at lumalabas na walang napanalunang proyekto ang C.T. Leoncio kahit isa,” ani Andaya.

Naniniwala si Andaya na isinakripisyo ang napanalunang proyekto ng nasabing kumpanya dahil nakaladkad ito sa flood control projects sa Casiguran Sorsogon na lugar ng mga balae ni Diokno.

“Kung noong 2017 at 2018, sobrang suwerte ang C.T. Leoncio sa mga bidding sa Bicol, sobrang malas naman yata sila ngayong 2019. Kahit isang proyekto, walang napanalunang proyekto ang C.T. Leoncio sa Sorsogon. Kataka-taka talaga.,” ani Andaya.

Sinabi ni Andaya na noong 2018, sa P10 Billion na halaga ng proyekto na ibinigay ni Diokno sa Sorsogon, Camarines Sur at Catanduanes, P2.5 billion dito ay nakuha ng C.T. Leoncio.

Maliban sa mga nabanggit na probinsya, mayroon din umanong mga napanalunang proyekto ang CT. Leoncio sa Samar, National Capital Region (NCR) , Pangasinan, Tarlac, Batangas, Bulacan at Davao City mula noong 2017.

Naestablisa aniya sa kanilang mga isinagawang pagdinig sa anomalya umano sa DBM na may joint venture ang CT. Leoncio at Aremar Construction na pag-aari ng mga in-laws ni Diokno na nagkakahalaga ng P550 million noong 2018.

Ang isa sa mga may-ari ng Aremar Construction ay si Romeo “Jojo” Sicat Jr., na asawa ng anak ni Diokno ay nagsilbi umanong supplier ng mga construction materials sa CT. Leoncio.

 

 

265

Related posts

Leave a Comment