KINALAMPAG ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyakin ang kaligtasan ng mga paaralan laban sa banta ng bagong coronavirus na dumapo sa mahigit dalawandaan (222) katao sa apat na bansa sa Asya, kabilang ang China, Japan, South Korea, at Thailand.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na mahalagang maging handa ang mga paaralan upang maprotektahan ang kalusugan at kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ayon sa Department of Health (DOH), isang pinaghihinalaang kaso ng novel coronavirus o 2019-nCoV ang inoobserbahan sa isang limang-taong gulang na batang lalaking lumipad mula sa Wuhan, China patungong Cebu City.
Nakita sa bata ang ilang sintomas ng trangkaso na nauugnay sa 2019-nCoV, kabilang ang lagnat at ubo. Maaari namang maipasa sa pamamagitan ng person-to-person contact ang 2019-nCoV na unang naitala sa Wuhan City noong Disyembre 31, 2019.
Ang Coronaviruses (CoV) ay isang malawak na pamilya ng mga virus na nagdudulot ng iba’t ibang sakit tulad ng sipon. Maaari rin itong magdulot ng mga mas malalang sakit tulad ng Middle East Respiratory Syndrome-related Coronavirus (MERS-CoV) at Severe Acute Respiratory Syndrome-related Coronavirus (SARS-CoV).
Ayon sa Research Institute for Tropical Medicine, negatibo sa MERS-CoV at SARS-CoV ang batang pasyente ngunit nagpositibo ito sa isang uri ng coronavirus na hindi pa matukoy sa ngayon.
Para kay Gatchalian, mainam nang gawin ng DepEd ang lahat ng hakbang tulad ng pagpapalaganap ng impormasyon at maigting na pagturo ng kalinisan sa mga mag-aaral.
Samantala, pinakadelikado ang matatanda sa kinatatakutan ngayong virus na nakapatay na ng hindi bababa sa siyam sa China, at daan-daan ang patuloy na kinakapitan nito habang kumakalat hanggang sa Estados Unidos ang naturang sakit na nagmula sa Wuhan, China.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, karamihan sa mga naitalang may sakit ay may cancer o di kaya ay may diabetes.
“Mula sa mga naiulat sa atin, yung hirap ng paghinga o kakapusan sa paghinga ay posibleng sintomas na rin ito na tutuloy sa pneumonia o sa mabigat na komplikasyon o severe acute respiratory syndrome na pwedeng makamatay, lalong lalo na sa matatanda, yung mga may underlying medical problem,” sinabi ni Duque sa panayam sa telebisyon at radyo.23
Ang Bureau of Quarantine naman ay nanatiling nakataas habang hinihintay ang update mula sa World Health Organization.
Ayon kay Health Undersecretary and Spokesperson Eric Domingo, kabilang sa mga sintomas nito ang ubo, lagnat, hirap sa paghinga.
Sinabi naman ni Duque na ang severe cases, maaring magdulot ng pneumonia, acute respiratory syndrome, kidney failure at minsan ay kamatayan. ESTONG REYES, KIKO CUETO
118