CRIMINAL, CIVIL CASE VS NOYNOY, ET AL HIRIT SA KAMARA

pinoy6

(NI BERNARD TAGUINOD)

INIREKOMENDA ng dalawang komite sa Kamara na sampahan ng kasong kriminal at sibil sina dating pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at Budget Secretary Florencio Abad sa isyu ng Dengvaxia.

Sa inilabas ng Committee report ng House committee on Good Government na pinamumunuan ni Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo at Committee on Health ni Quezon Rep. Angelina Tan, inirekomenda ng mga ito na kasuhan ng Technical Malversation of Public Funds sina Aquino, Abad at dating Health secretary Janette Garin.

Kaugnay ito sa ilegal na paggamit sa P3,556, 155, 900 na ipinambili ng supply ng Dengavaxia vaccine kahit walang batas na naipasa sa Kongreso para gamitin dito ang savings ng gobyerno noong 2015.

Naging kontrobersya ang Dengvaxia vaccines matapos aminin ng Sanofi Pasteur na ang mga naturukan ng gamot na ito na hindi pa nagkaroon ng dengue ay may panganib sa kanilang kalusugan.

Dahil dito, isinisi sa Dengvaxia  ang pagkamatay ng mga batang naturukan sa iba’t ibang panig ng bansa noong Aquino administration.

Pinakakasuhan din ng paglabag sa Section  3(e) ng  Republic Act (RA) No. 3019 o anti-graft and practices act sina Aquino, Abad at Garin dahil sa mga “injury” na nagawa ng kanilang proyekto laban sa dengue.

Kasama rin sa mga pinakakasuhan ng paglabag sa nasabing batas sina Dr. Maria Joyce Ducusin, Dr. Rosalind Vianzon at Dr. Mario Baquilod, Dr. Julius Leccines, Dr. Kennet Hartigan-Go at Dr. Lyndon Lee Suy at mga miyembro ng Bid and Award Committee ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC).

Inirekomenda din ng komite sa PCMC na maghain ng civil case laban kina Aquino, Abad at Garin kasama ang Zuellig Pharma Corporation para mairefund ang nasabing halaga at maibalik ito sa kaban ng bayan.

8

Related posts

Leave a Comment