CYBERSEX, BULLYING TUTUTUKAN NG DEPED

deped12

(NI KEVIN COLLANTES)

PINASIMULAN na ng Department of Education (DepEd) ang kanilang kampanya laban sa cybersex at cyber bullying, kasabay ng pagbubukas ng klase sa Lunes, Hunyo 3.

Nabatid na ang programa na tinawag na ‘Intensified Student Anti Bullying Action Center (I-SABAC), ay inilunsad DepEd sa Taguig City at Pateros.

Sa ilalim nito, tutugunan ng DepEd ang lahat ng uri ng bullying problem ng mga mag-aaral, lalong-lalo na ang sexual harassment at cybersex exploitation.

Ang I-SABAC ay mas maayos na bersiyon ng E-SABAC na naging matagumpay sa pagtugon ng bullying sa internet o cyber bullying at iba pang uri ng harassment sa paaralan.

Pinasimulan ng DepEd-Taguig City at Pateros ang Anti-Bullying Caravan upang ipaalam sa mga magulang at komunidad ang epekto ng bullying at ang programang sasagot sa problema ng cyber-bullying lalong lalo na sa child pornography or cybersex na isa sa mabigat na suliranin ng Taguig City.

Nabatid na ang E-SABAC ang kauna-unahang anti-cyber bullying program ng DepEd sa buong bansa na inilunsad ng DepEd-Taguig na tutugon sa mga bullying problem sa internet at social-media.

Kailangan lamang mag-login ang isang biktima ng cyber bullying sa E-SABAC DepEd TAPAT@facebook. com at mayroong administrator ng website na tutugon sa kanyang problema, kapag siya ay naka-login na.

Hihingin nito ang detalye ng complainant tulad ng Learners Indentification System (LIS) ID upang i-verify kung seryoso ang complainant at upang tiyakin na ito ay tunay na bullying complainant.

Kukunin din ang detalye ng reklamo at agad ipaaalam sa mga concerned school officials upang aksyunan ayon sa Child Protection Policy ng DepEd at magsasagawa ng agarang imbestigasyon ang paaralan at ika-counsel ang biktima at ang nam-bully upang mapabatid sa kanya ang masamang epekto ng bullying at upang ihinto ito.

Ang Anti-bullying caravan ay iikot sa lungsod dala ang mga tarpaulin na nagbibigay inpormasyon kung paano isumbong ang anumang uri ng bullying.

259

Related posts

Leave a Comment