Sumisigaw ng katarungan ang 10 kawani na nakatalaga sa Farm-to-Market Road Program ng Department of Agriculture matapos umanong ibasura ang kanilang karapatan sa trabaho ni Undersecretary Waldo Reyes Carpio.
Batay sa liham ng mga kawani kay Pangulong Rodrigo Duterte, humihingi ng kaukulang aksyon ang 10 contractual employees na sina Marissa Aguilar (Senior Administrative Assistant I); Leslie Albano (Project Assistant III); April Joy Ayson (Administrative Assistant VI); Mark Paul Baldeo (Engineer II); Norman Boloron (Administrative Assistant V); Alberto Cachero (Project Assistant III); Robin Christopher Cueva (Project Assistant IV); Jerry Gregorio (Administrative Assistant VI); William Inguito Jr. (Project Assistant IV); at Rea Queen Migalbin (Project Assistant IV) dahil sila ay pinatawan ng arbitrary dismissal ni Carpio.
Ayon sa kanila, sila ay may kaukulang contract of services na valid hanggang December 2019.
Binigla na lamang umano sila ng opisina ni Carpio at sinabihan na terminated na ang kanilang contract at ito ay effective immediately.
Binigyang diin din ng mga kawani na hindi dumaan sa tamang proseso ang termination at pati ang kanilang sweldo ay nakabinbin at hindi raw inaprubahan ni Carpio na ma i release sa kanila.
Maliban dito, ilegal din silang pinalitan ng ibang contractuals na kinuha umano ni Carpio mula sa ibang section ng kagawaran.
Idinagdag pa ng grupo na si Carpio ay gumamit ng grave abuse of authority at lumabag sa probisyon ng labor code sa pagtanggal at pagpapalit sa kanila ng mga tao na mas pinapaboran nito.
Isa din sa argumento ng mga complainant ang madalas daw na pagkawala ni Carpio sa opisina at ipinagbibilin na lang sa isang OIC ang mga trabaho na dapat ay kanyang ginagampanan.
Nananawagan ang mga apektadong contractuals kay Pangulong Duterte na paimbesitigahan sa lalung madaling panahon ang kanilang kaso at ang iba pang mga maling gawain sa kagawaran.
Sinikap na hingan ng panig si Usec. Carpio subalit wala pa itong pahayag sa reklamo laban sa kaniya.
227