(NI NOEL ABUEL)
HINAMON ni Senador Imee Marcos ang Department of Agriculture (DA) na kaya nitong tiyakin na hindi makakaapekto sa lokal na produksyon ng pulang sibuyas ang plano nitong pag-angkat ng 35,000 metriko-toneladang sibuyas sa ibang bansa.
Reaksyon ito ni Marcos matapos magbigay ng go signal ang kagawaran na mag-angkat ng imported na sibuyas bunsod umano ng kakulangan nito ngayon.
Ayon kay Marcos dapat matiyak ng DA na bababa ang presyo ng sibuyas sa merkado, at hindi maaapektuhan ang lokal na sibuyas na aanihin sa Marso.
Nangangamba aniya ito na posibleng mabulok lang sa mga bodega ang mga aangkating imported na sibuyas gaya ng ginawa ng National Food Authority (NFA) noong nakaraang taon na nag-angkat ng milyun-milyong pisong halaga ng imported na bigas na hindi naman naibenta sa murang halaga.
Bukod pa rito, kinumpetensiya pa ng DA ang lokal na palay dahilan para malugi at bumagsak ang kabuhayan ng maraming magsasaka.
“Baka bumaha ng imported na sibuyas, at pagkatapos matetengga na naman ang mga aanihing local na sibuyas sa Marso. Tapos anong mangyayari? ibebenta na lamang nang palugi ang mga lokal na sibuyas natin gaya sa nangyari sa lokal na palay sa bansa, na ikalulugi na naman ng ating mga maliliit na magsasaka,” pahayag ni Marcos.
Sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority, nitong nakaraang Disyembre, nasa P195 kada kilo ang wholesale price ng pulang sibuyas.
Sa mga supermarket at grocery, naglalaro ang halaga ng sibuyas sa P150 hanggang P200 kada kilo.
171