(NI ABBY MENDOZA)
UMAAPELA si Agriculture Secretary William Dar sa mga nag-aalaga ng baboy na huwag ipaanod sa ilog ang mga namatay nilang alagang baboy upang hindi na kumalat pa ang African Swine Flu.
Ayon kay Dar, ang pagtatapon ng mga baboy ay maaari lamang magpalala ng sitwasyon at posibleng mapalawak sa iba pang mga lugar ang apektado ng ASF.
“Huwag nyong itapon bagkus agad na i-report sa DA sakaling ang alagang baboy ay pinaghihinalaang apektado ng ASF para sa proper disposal,” dagdag pa ng Kalihim.
Sa ngayon umano ay sa Rizal at sa Guiguinto Bulacan lamang may naitatalang kaso ng ASF.
Inamin ni Dar na mayroon na silang suspetsa sa kung sino ang nasa likod ng mga nagtapon ng baboy sa ilog, partikular ang mga inanod sa Marikina River, at kanila na itong iniimbestigahan.
“Galing sa ground zero sa Rodriguez, Rizal ang mga inanod na patay na baboy,” pag amin pa ni Dar.
Maliban sa Quezon City at Marikina ay may naiulat na rin na inanod at patay na baboy sa irigasyon sa Malolos Bulacan.
Ang nasabng mga insidente ay iniimbestigahan na ng DA.
155