Malaki ang posibilidad na dumanas pa ng regular na power interruption ang bansa hanggang hindi natutugunan ang numinipis na oil at gas reserves at maisulong ang energy independence sa mga susunod na taon.
Batay sa pag-aaral na isinagawa ng mga eksperto, patuloy sa pagbaba ang oil at gas reserves ng Pilipinas na nagbubunsod upang umasa ang bansa sa pag-aangkat ng nasabing produkto bukod sa malaki rin umano ang epektong dulot ng importasyon sa presyo at supply ng oil at gas.
Nagpahayag ng pangamba ang mga eksperto na kapag hindi nabigyang solusyon ang nasabing sitwasyon, maaari itong magresulta ng bagong bersiyon ng “dark ages” kung saan mararanasan ang mahahabang oras ng brownouts.
Sa isang ulat kamakailan, sinabi ni GlobalData power industry analyst Harshavardhan Reddy Nagatham, na ang lumolobong populasyon sa Pilipinas ay isa pa ring dahilan ng patuloy na pagtaas ng konsumo sa koryente sa bansa.
Bunga nito, lubhang kailangan ngayon ng Pilipinas na palawakin ang kapasidad nito pagdating sa enerhiya.
Nagiging hadlang din sa mga inisyatibo ng bansa para sa oil at gas explorations ang pananamlay ng investors dahil sa mga hindi pa nalulutas na isyu sa pagitan ng Commission on Audit (COA) at ng Department of Energy (DOE).
Napag-alaman na bagama’t maraming mamumuhunan ang nagpahayag ng interes na pumasok sa oil at gas explorations sa Pilipinas, hindi ito makausad dahil sa nabanggit na mga usapin.
Batay sa ulat ng First Solutions Macro Research ng Fitch Group, inihayag ng DOE na umaabot na sa 48% ang antas ng oil importation ng Pilipinas at inaasahan pa itong tataas sa mga susunod na taon dahil sa pagtaas ng demand at pagbaba ng produksiyon ng oil at gas.
Idinagdag pa ng Fitch report na lubhang kailangan ngayon ng Pilipinas ng karagdagang oil at gas exploration sa gitna ng patuloy na pagbaba ng kasalukuyang reserves at ang nalalapit na pagtatapos ng production life ng Malampaya gas-to-power project.
Ang Malampaya project ang nagbibigay ng 98% ng lokal na oil at gas production.
Gayunman, nangangamba ang ilang foreign investors na maranasan din nila ang umano’y pressure mula sa government auditors, tulad ng dinaranas ngayon ng Malampaya, kaya bantulot sila na pasukin ang oil at gas exploration.
Umaasa ang mga mamumuhunan na tatanggalin ng pamahalaan ang mga kasalukuyang hadlang tulad ng COA vs DOE sa isyu ng government shares mula sa Malampaya project.
Ikinatuwa ng mga investor ang desisyon kamakailan ng international arbiters pabor sa DOE/Malampaya consortium sa legal na usapin sa COA.
Isa pang nagdudulot ng pagnipis ng oil at gas reserves ay ang patuloy na tensiyon sa West Philippine Sea.
Ayon sa Fitch report, marami sa exploration prospects ay nasa lugar ng pinagtatalunang teritoryo. Sa katunayan, sinuspendi ang exploration works sa nasabing lugar dahil sa hindi pa nareresolbang isyu sa China, na inaasahang matatagalan bago matuldukan.
Bagama’t ang renewable energy ay inaasahang lalago sa susunod na 10 hanggang 12 taon at makatutulong sa pagdagdag sa power generation capability ng bansa, hindi ito sapat dahil sa patuloy ring pagtaas ng demand.
Hanggang hindi mabilis na maaksiyunan ng pamahalaan ang mga isyu sa enerhiya, partikular na ang patuloy na pagtaas ng demand at mabilis na pagbaksak ng supply, sinabi ng mga eksperto na maaaring makaranas ang bansa ng seryosong power shortage.
At sa gitna ng kamulatan sa pag-iwas sa coal, nangungunang contributor sa climate change, higit umano na dapat maghanap ang Pilipinas ng iba pang energy sources na renewable, indigenous at malinis.
238