DAYAAN SA BSKE PINASISILIP SA KAMARA

HINDI dapat palagpasin ang umano’y dayaan at iba pang iregularidad sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) upang hindi na ito maulit sa 2025 midterm election.

“Mahirap dedmahin ang napakaraming alegasyon ng irregularidad, pandaraya at pananakot noong nakaraang barangay elections. Dito lamang sa Basilan, madaming insidente ang naiulat sa social media na hindi naa-address ng mga kinauukulan,” ani Basilan Rep. Mujiv Hataman kaya naghain ito ng resolusyon para magsagawa ng imbestigasyon ang Kamara.

Sa kanyang House Bill (HB) 1497, hiniling ng mambabatas sa House committee on suffrage and electoral reform na magsagawa ng imbestigasyon upang makagawa ng batas ang Kongreso.

“Lagi na nating problema ito, hindi lamang sa barangay at SK elections. Dapat ba nating bisitahin na ang batas dahil parang walang nadedemanda o nakukulong pagdating sa pandaraya, pananakot at iregularidad tuwing eleksyon,” dagdag pa ni Hataman.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa mga natanggap na report na may mga election officer mula sa Commission on Elections (Comelec) at mga miyembro ng security forces ang mismong sangkot umano sa anomalya at ilegal na aktibidad sa BSKE noong October 30.

Inihalimbawa nito ang nangyari umano sa bayan Maluso sa Basilan kung saan tinangkang ilipat ang lokasyon ng botohan na walang otoridad mula sa Comelec-En banc na kung hindi napigilan aniya ay malamang marami ang hindi nakaboto at nagkaroon ng failure of election.

Sa Barangay Bubuan, Tabuan Lasa, Basilan ay ipinatigil din umano ang botohan matapos mag-alisan ang mga tao dahil sa mga umaali-aligid na armadong grupo habang sa Barangay Landugan sa bayan ng Lantawan ay sapilitang kinuha ng mga nakamaskarang tao ang mga ballot box at nang ibinalik ay may laman nang mga balota.

“In another area in Mindanao, a video was taken where an army officer was seen appearing to be in the act of interfering with the tasks of the Electoral Board by calling them one by one and asking them to do certain acts that are already beyond such officer’s mandate or jurisdiction,” ayon sa pa sa resolsyon.

Sa isa pang lalawigan sa Mindanao, isang abogado aniya ang hinarang ng supporters ng kalaban ng kanyang kliyente na gampanan ang kanyang trabaho kaya kaduda-duda aniya ang resulta ng BSKE sa maraming lugar sa bansa.

(BERNARD TAGUINOD)

100

Related posts

Leave a Comment