TINIYAK ng mga kinatawan ng Kuwait sa Manila na ginagawa ang lahat ng paraan upang arestuhin ang police officer na umano’y gumahasa sa isang Pinay na kasambahay doon.
Sinabi ni Ambassador Musaed Saleh Ahmad Althwaikh sa Department of Foreign Affairs (DFA) na ipinaskel at inalerto na ang lahat sa police at immigration office gayundin ang iba pang Gulf Cooperation Council member para sa ikadarakip ni Fayed Naser Hamad Alajmy, 22-anyos na Kuwaiti police officer, na nahaharap sa kasong rape.
Nakipagkita si Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola kay Ambassador Musaed Saleh Ahmad Althwaikh para iparating ang mensahe ng gobyerno.
Sinabi ni Althwaikh na kinasuhan na ng rape sa ilalim ng Article 186 of Kuwait Penal Law No. 16/1960 ang pulis.
Nabatid na si Alajmy ang isa sa mga tumulong sa Pinay para sa finger scanning registration sa airport nang dumating ito sa Kuwait noong Hunyo 4.
Matapos umano nito ay sinasabing kinidnap ni Alajmy at ni-rape ang Pinay, ayon sa Philippine Embassy.
Nangako naman ang DFA na magpapatuloy sa pagbibigay ng legal na tulong sa biktima sa Kuwait.
Ang biktima umano ay magtatrabaho kasama ang tatlong iba pang Pinay sa isang bahay sa Kuwait.
Ayon sa DFA, nakikipagtulungan din ang employer ng Pinay sa embahada gayundin ang ilang lokal na awtoridad para madakip ang suspect.
177