DEPED: ESKWELAHAN HUWAG NA GAMITING EVAC CENTERS

NAKIUSAP ang Department of Education (DepEd) sa local government units (LGUs) sa iba’t ibang bahagi ng bansa na iwasan na ang paggamit sa mga eskuwelahan bilang evacuation centers ngayong nalalapit na ang panahon ng tag-ulan.

Nagreresulta kasi ito ng pagkagambala sa pag-aaral ng mga estudyante.

Sinabi ni DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa na inihayag na nila ang bagay na ito sa pinakabagong council meeting sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

“Tayo ay nagbigay na rin ng posisyon na sana ay talagang hindi na magamit ang ating mga paaralan as evacuation centers dahil nga talagang hindi maiiwasan minsan na tumatagal ang stay at nagha-hamper talaga, nagkakaroon talaga ng learning disruption,” ayon kay Poa.

Kahit ‘yung mga learners na hindi naman gaano naapektuhan ng calamity, hindi pa rin makabalik dahil ang school ay ginagamit as evacuation center,” dagdag na wika nito.

Base sa binagong DepEd Order 37, nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, ang mga eskuwelahan ay maaaring gamitin bilang isang immediate evacuation site sa panahon ng kalamidad subalit hindi tatagal ng mahigit sa 15 araw.

Samantala, ang mga klase mula kindergarten hanggang Grade 12, at trabaho sa pampublikong eskwelahan ay otomatikong kakanselahin sa mga lugar kung saan itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signals 1, 2 ,3, 4, o 5 ng state weather bureau PAGASA.

Bilang paghahanda sa nalalapit na La Niña phenomenon, sinabi ni Poa na patuloy na ipatutupad ng DepEd ang alternatibong ‘delivery modes’ sa oras na sinuspinde ang face-to-face classes.

Tinuran pa nito na ang mga state-run schools ay kinumpirma na bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan.

“Tuloy-tuloy ang ating mga repair at rehabilitation ng mga classrooms, albeit meron talaga tayo budgetary restrictions diyan pero ginagawa natin lahat. We are working around the budget we have,” ayon kay Poa. (CHRISTIAN DALE)

81

Related posts

Leave a Comment