DILG, PCOO KINASTIGO SA PAGSINGIT NG CHA-CHA SA GITNA NG COVID PANDEMIC

BINATIKOS ng ilang senador ang pagbuhay ng pamahalaan sa pagbago ng Konstitusyon sa pamamagitan ng Charter Change (Cha-cha).

Nagkakaisa sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senador Nancy Binay sa pagbatikos sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ayon kay Binay, wala sa tamang panahon ang pagbuhay sa isyu ng pederalismo ngayong nahaharap ang bansa sa pandemic dulot ng COVID-19.

“Sayang po ‘yung milyun-milyong budget ng DILG at PCOO na ginagasta sa federalism roadshows na sana po ay sagot sa kumakalam na sikmura. Ang priority dapat ng gobyerno ngayon ay solusyon sa problema, ‘di pirma sa cha-cha,” sabi ni Binay.

Ayon kay Binay, hindi batid ng publiko kung ano ang aasahan at kung paano ang pagpihit ng bansa mula sa MECQ o MGCQ at patungo sa new normal, kaya mayroong malalaking bagay na dapat punan ang DILG at PCOO pagdating sa impormasyon sa kampanya.

“On the part of the PCOO, we expect a massive multi-platform information campaign for the public to know the ‘Dos and Donts’ as we transition from ECQ to the new normal. Dapat merong aggressive effort to put into infomercials and readable printed formats ang lahat ng kaliit-liitang detalye ng safety and health protocols para naman alam at handa ang publiko to live and embrace the new norm,” ayon pa kay Binay.

Ganito rin ang pahayag ni Drilon sa pagsasabing hindi nag-iisip ang DILG at PCOO sa kasalukuyang sitwasyon ng pamahalaan.

“Habang ang mga Pilipino walang makain at nawalan ng trabaho, isusubo natin itong Cha-cha?” tanong ni Drilon. NOEL ABUEL

141

Related posts

Leave a Comment