Dinismiss ng Ombudsman tinanggap sa DOJ BOYING MAKAKALADKAD SA EX-COP SA VIRAL VIDEO

POSIBLENG makaladkad si Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla sa dating pulis Quezon City na nag-viral matapos mahulicam ang pambabatok at pagkasa ng baril sa nakaalitang siklista.

Sa kondisyon huwag nang pangalan, sinabi ng isang taga-Kongreso na hindi maiwasang makaladkad si Remulla matapos lumabas na nagtatrabaho sa ahensya nito si Wilfredo “Willie” Gonzales.

“Makukuwestiyon si Boying diyan bakit nakapagtrabaho sa DOJ ang pulis na iyan na dinismiss ng Ombudsman,” ayon sa isang mambabatas.

Base sa mga report, dinismiss ng Office of the Ombudsman si Gonzales noong 2018 bagama’t nagresign ito bilang pulis noong 2016 subalit hindi malinaw kung kasama sa dismissal order ay “perpetual disqualification of public office” na karaniwang ipinapataw na parusa sa mga nadidismis na opisyales at empleyado ng gobyerno.

Hanggang ngayon ay walang impormasyon kung saang departamento sa DOJ nagtatrabaho si Gonzales at kailan ito nagsimulang magtrabaho sa ahensya.

Samantala, dismayado si dating Congressman Neri Colmenares sa Quezon City Police District dahil sa pribilehiyong ibinigay kay Gonzales gayung malinaw ang paglabag sa batas ng dating pulis nang saktan at kasahan nito ng baril ang siklista.

“Is this really the extent of entitlement of police, both retired and active, that they are given the privilege of a press conference in no less than PNP offices, organized by their own colleagues, while the victim is left to fend for himself?” ani Colmenares.

Mismong si QCPD director Brig. Gen. Nicolas Torre III ang nagharap kay Gonzales sa ipinatawag na press conference na ayon kay Colmenares ay hindi ibinigay sa mga biktima ng karahasan.

“An offense has been committed. Even if the complainant is scared to file, this is not a reason not to file any case,” ayon pa kay Colmenares dahil lumalabas na hindi sinampahan ng kaso ng QCPD si Gonzales.

Depensa naman ng QCPD, ang biktimang siklista ang dapat maghain ng reklamo.

(BERNARD TAGUINOD)

50

Related posts

Leave a Comment