DIOKNO GIGISAHIN SA KAMARA DAHIL SA P1 TRILYONG ‘DI NAGASTOS NA PONDO

DIOKNO-2

NAKATAKDANG gisahin si Budget Secretary Bejamin Diokno sa Kamare de Representantes sa Disyembre 11 upang ipaliwanag ang nakatenggang P1 trilyong pondo ng administrasyon nitong nakalipas na dalawang taon.

Pinadalhan na ng tanggapan ni Majority leader Rolando Andaya Jr. si Diokno upang humarap ito sa “Question Hour” ng Kamara sa Martes.

Kasama rin sa ipinadala ay mga posibleng itanong sa kanya na may kinalaman sa P1 trilyon underspending ng administrasyong Duterte.

May mga ekonomista na naniniwalang nagiging problema sa pagsulong ng ekonomiya ang underspending o hindi paggastos ng pondo ng pamahalaan.

Kapag ginisa ang kalihim, obligado siyang ilabas ang mga dokumento ng Department of Budget and Management (DBM) upang makita ang aktuwal na halaga ng perang inilalabas ng pamahalaan at kung saan-saan ito ginagamit at iba pang may kaugnayang usapin.

Ang pagsalang kay Diokno sa plenaryo ng Kamara ay resulta ng impormasyong nakarating sa iilang kongresista na malaki ang nakokolektang buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pang ahensiyang kumikita ang pamahalaan dahil tumaas ang koleksyon ng buwis dulot ng mga pagbabago sa sistema ng pamumuwis sa bansa, ngunit umabot sa P1 trilyon ang natenggang pondo sa nakalipas na dalawang taon.

Kung hindi gagastusin ang P1 trilyon sa lalong madaling panahon ay posibleng malagpasan ng administrasyong Duterte ang P1.3 trilyong hindi nagastos ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III sa loob ng anim na taon o mula 2010 hanggang Hunyo 2016.

Kaya, isasalang si Diokno sa Kamara ay hangad ng mga mambabatas na manggaling mismo sa kanyang bibig ang eksaktong sagot sa pagkabalahaw ng pera ng pamahalaan.

5

Related posts

Leave a Comment