EXCISE TAX SA LANGIS SAAN GINAMIT?

EXCISE TAX-FUEL-2

(Ni BERNARD TAGUINOD)

HINAMON ng isang mambabatas ang Malacanang na ipakita sa taumbayan ang pinaglaanang mga proyekto ng kabuuang nakolektang tumaas na excise tax sa mga produktong petrolyo bago ipatupad ang second tranche ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law sa Enero.

Maliban dito, hangad din ni Magdalo party-list Rep. Gary Alejano na ilahad ng Department of Finance (DOF) sa publiko ang kabuuang excise tax collection nito simula nang ipatupad ang TRAIN Law noong Enero ng taong kasalukuyan.

Hinamon ng mambabatas ang DOF dahil plano ng Malacanang na ituloy ang second tranche ng TRAIN Law sa Enero 1, kaya madadagdagan ng P2 ang buwis sa bawat litro ng mga produktong petrolyo kung saan ang mga mamimili ang papasan nito sa bandang huli.

“Ngayong hindi na mapipigilan pa ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina sa 2019, hinihikayat ko ang administrasyong ito na ipakita sa taumbayan kung saang mga proyekto o programa ng gobyerno ginamit ang halos isang taong excise tax na kinolekta [ng Bureau of Internal Revenue] at pinasan nating lahat,” ani Alejano.

Pinatawan ng P2.50 excise tax ang bawat litro ng diesel, kaya magiging P4.50 na ito sa 2019, habang ang gasolina ay magiging P9 na mula sa kasalukuyang P7.

Dismayado ang mambabatas dahil sa kabila ng panawagan ng mamamayan na suspindehin ang TRAIN Law dahil naging sanhi ang batas na ito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, subalit nagbingibingihan aniya ang gobyernong Duterte.

“Isang regalo sa ating mga kababayan ngayong Kapaskuhan ang patuloy na pagbaba ng presyo ng gasolina. Sana ay sinagad na ng gobyerno ang magandang debelopment na ito at mas lalo n’yang pinasaya ang Pasko, maging ang Bagong Taon ng bawat Pilipino kung sinuspinde muna ang implementasyon ng TRAIN Law at hinayaan munang makahinga nang maluwag ang taumbayan,” ani Allejano.

Ngunit, hindi ito mangyayari dahil nakaamba na ang panibagong pahirap sa mga Pilipino, lalo sa mga mahihirap, dahil tuloy ang second tranche ng TRAIN Law sa Enero, saad ng mambabatas.

175

Related posts

Leave a Comment