(NI BERNARD TAGUINOD)
KINASTIGO ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso si Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno dahil imbes na ibalik nito sa taumbayan ang kanilang binabayarang buwis ay iniipon niya ito.
Ginawa ni House appropriations committee chairman Rolando Andaya Jr., ang pagkastigo kay Diokno matapos aminin ng kalihim na umaabot sa P370 bilyong ng mamamayan ang hindi nagastos ng gobyerno noong 2017.
“Hindi trabaho ng gobyerno ang mag-impok sa bangko. Ang buwis ng tao, ibinabalik sa pamamagitan ng serbisyo. Ano yan, pinatutubuan ng interest habang madaming nagugutom at walang trabaho? Secretary Diokno, gumising ka naman sa katotohanan. Utang na loob,” ani Andaya.
Ayon kay Andaya, ang pondong ito na hindi ginamit ni Diokno noong 2017 ay nakaprograma na sa iba’t ibang serbisyo publiko tulad ng pagpapatayo ng mga imprastraktura at iba pa subalit hindi ito ginastos ng kalihim.
Nakadidismaya umano ang ginagawa ni Diokno dahil habang panay ang pakiusap ng kanyang mga economic managers sa Kongreso para magtaas ng buwis ay hindi nito hindi ginagastos ang pera ng bayan.
“Taas tayo nang taas ng buwis, bilyon-bilyong piso naman pala ang nakatagong savings sa treasury,” ani Andaya dahil inamin ni Diokno na ang P370 Billion na hindi nagastos noong 2017 ay ibinalik sa National Treasury.
Inaasahan ng mambabatas na lolobo pa ang pondong hindi nagastos ni Diokno dahil hindi pa kasama sa kanyang inaamin ang savings noong 2018 na hindi aniya nakatarungan sa mga tax payers dahil bayad sila ng bayad ng buwis ay walang bumabalik sa kanila.
“This is no longer acceptable. We demand an official and full report on the utilization of these savings from the national budget. If Secretary Diokno cannot account for these funds, a basic function in public expenditure, he has no business staying one minute more in office,” ani Andaya.
Kailangang magpaliwanag aniya si Diokno sa mga tax payers dahil umaasa ang mga ito ng maayos na serbisyo subalit hindi naideliber ng kalihim simula noong 2017.
129