MULING pinaalalahanan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang mga taong may sakit sa baga at respiratory conditions na malapit sa mga lugar na apektado ng ashfall na patuloy na magsuot ng protective masks upang maiwasang lumala ang kanilang kondisyon.
Partikular ding tinukoy ni Duque na dapat maprotektahan laban sa ashfall ang matatanda na dumaranas ng bronchitis, pneumonia, asthma at iba pang lung conditions.
Habang ipinapayo ang patuloy na pagsusuot ng face mask sa Quezon at Laguna, ang mga nasa Metro Manila ay maari aniyang hindi na magsuot nito.
“In the vulnerable areas where the volume of ashfall has been really massive, these are the people we need to prioritize, let me underscore that those with pre-existing conditions really, really have to be monitored and taken care of,” ani Duque, sa isang panayam sa telebisyon.
Kaugnay nito, tiniyak ni Duque na mahigpit nilang binabantayan ang mga evacuee laban sa posibleng senyales ng sakit at trauma matapos maranasan ang lupit nang pag-aalburoto ng bulkang Taal noong isang linggo.
Tiniyak ng kalihim na may mga bihasa na silang psychosocial health officers na nakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang tugunan ang pangangailangan ng mga ito. (ANNIE PINEDA)
156