(NI DAHLIA S. ANIN)
NAGTUTULUNGAN na ang Department of Health (DoH) at World Health Organization (WHO) upang maging epektibo ang pagresponde sa polio outbreak sa bansa.
“Today, mayroon po tayong meeting, ang DOH at WHO, to finalize kung ilan pong eksaktong vaccines ang kakailanganin natin,” ayon ay Health Undersecretary Eric Domingo sa isang panayam sa telebisyon.
Nangako umano ang WHO sa kanila na maibibigay ang lahat ng bakuna na kailangan at mabibigyan nito ang lahat ng dapat mabakunahan.
Noong nakaraang linggo ay kinumpirma ng ahensya ang pagbabalik ng sakit na polio sa bansa kung saan dalawang bata mula sa Lanao del Sur at Laguna ang tinamaan ng ganitong sakit.
Nababahala ang WHO sa muling pagbalik sa bansa ng polio kaya nangako ang ahensya na tutulong upang hindi ito kumalat. Nangako rin ang WHO na magdo-donate ng bakuna.
Bilang pagresponde naman ng DoH dito ay magsagawa ng mass vaccination sa mga batang limang taon gulang pababa sa Metro Manila, Davao at Lanao del Sur sa susunod na buwan.
Aabot sa 5.5 milyong bata ang target ng DoH na mabakunahan kontra sa polio.
162