DOJ PASOK SA EJK INVESTIGATION

PASOK ang Department of Justice (DOJ) sa imbestigasyon ng extra-judicial killings sa drug war ng Duterte administration.

Ito ay matapos ipag-utos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pagbuo ng task force na kapapalooban ng mga prosecutor at mga tauhan ng National Bureau of Investigation para imbestigahan ang extra-judicial killings o EJK sa drug war ni dating pangulong Rodrigo Duterte.

Base sa inisyung Memorandum Order No. 778 na may petsang Nobyembre 4, nakasaad na ang task force ay pangungunahan ng Office of the Secretary at mag-iimbestiga at tutulong sa pagsasagawa ng case build-up, at kung kinakailangan, maghahain ng kaukulang mga kasong kriminal sa korte laban sa mga salarin at lahat ng sangkot sa EJK.

Inatasan din ng kalihim ang task force na mahigpit na makipag-ugnayan sa House Quad committee, Senate Blue Ribbon committee, Philippine National Police (PNP), Witness Protection Program (WPP), Commission on Human Rights (CHR), at mga kaugnay na ahensya ng gobyerno upang matiyak ang mahusay na pangangalap at pagbabahagi ng mga impormasyon, gayundin ang epektibong pagkuha at pakikipanayam sa mga testigo para sa isang komprehensibong imbestigasyon at pagbuo ng kaso.

Dapat na maisumite aniya ng task force ang report nito sa kalihim nang hindi lalampas sa 60 araw mula sa pag-isyu ng joint Department Order. (JULIET PACOT)

72

Related posts

Leave a Comment