Drama sa Kamara may part 2 – solon GMA RERESBAK KAY ROMUALDEZ

MAGPAPALAMIG lang si dating pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo subalit inaasahan na reresbak ito matapos mapahiya nang i-demote ito sa kanyang posisyon sa Kamara.

Ito ay ayon kay Liberal Party (LP) president at Albay Rep. Edcel Lagman na hindi naniniwalang palalagpasin ni Arroyo ang inaning kahihiyan nang sibakin ito bilang senior deputy speaker.

“The drama in the House has not ended. Astute and experienced politician that she is, GMA will not take lying down her humiliating and insulting demotion. She may be biding her time to make a counteroffensive,” ani Lagman.

Noong Lunes ay nagmano si House Speaker Martin Romualdez kay Arroyo ngunit bago ito sinamahan ng huli sa podium ang ipinalit sa kanya na si Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales na pinanumpa ng una.

Lumalabas na tanggap na rin umano ni Arroyo ang kanyang naging kapalaran subalit hindi naniniwala si Lagman na tuluyang mananahimik ang dating pangulo sa insultong inabot.

“Protagonists kiss and make up in public with daggers behind their backs. Token gestures of amity actually hide enmity,” ayon pa kay Lagman.

Dahil dito, hinamon din ng mambabatas si Romualdez na isapubliko ang impormasyon at ebidensyang hawak nito na siya ay ikukudeta na naging dahilan para idemote si Arroyo para sa kapakanan ng mga miyembro na hindi alam ang dahilan kung bakit sinibak ang Pampanga solon.

Una nang itinanggi ni Arroyo na may plano itong ikudeta si Romualdez na kanyang kapartido sa Lakas-CMD. (BERNARD TAGUINOD)

101

Related posts

Leave a Comment