MISTULANG insulto ang pagpapalabas ng food stamp ng administrasyong Marcos Jr. dahil tila pinagmumukha lang pulubi ang mga Pinoy.
Ani Danilo Ramos, chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), imbes patatagin ang local food production para bumaba ang presyo ng pagkain at mabawasan ang bilang ng mga nagugutom, binubuhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang istilo ng amang si Ferdinand Sr. sa Food Stamp Program.
“Please do not treat Filipinos as beggars seeking for alms. Bigyan naman natin ng dignidad ang ating mamamayan. Nagugutom na nga ang karamihan, ituturing pang parang pulubing namamalimos ng pagkain,” ani Ramos.
Sa ilalim ng nasabing programa, bibigyan ng food stamp ang mahihirap na pamilyang Pilipino para makakuha ng libreng pagkain.
Ayon kay Ramos, hindi pangmatagalan ang programang ito dahil posibleng isa o dalawang beses lang bibigyan ng food stamp ang mga poorest of the poor.
Nangyari na aniya ito noong panahon ng ama ng pangulo pero hindi naresolba ang problema sa kagutuman dahil pansamantalang solusyon lang ang programa.
Kung nais talaga aniya ni Marcos na masolusyunan ang kagutuman sa bansa ay payagan nito na itaas ang sahod ng mga manggagawa, bigyan ng kabuhayan ang walang trabaho, palakasin ang sektor ng agrikultura para dumami ang produksyon at ibaba ang presyo ng mga bilihin.
Sa survey ng Social Weather Station (SWS) noong Marso, umaabot na sa 2.7 milyong pamilya ang nakararanas ng gutom.
(BERNARD TAGUINOD)