(NI JEDI PIA REYES)
BINAWI na ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng motoristang si Luis Miguel Lopez o kilala ring Miko Lopez at hindi na rin mabibigyan ng pagkakataon na muli itong magkaroon ng driver’s license at makapagmaneho ng ano mang sasakyan.
Sa memorandum na ipinalabas ng LTO, nahaharap si Lopez sa patung-patong na kaso tulad ng speeding, reckless driving, failure to wear or use a seatbelt, at driving a motor vehicle without a steering wheel o Unauthorized Motor Vehicle Modification.
Maliban sa pagpapawalang-bisa ng lisensya, pinagbabayad din ng mga multa si Lopez mula P1,000 hanggang P5,000.
Si Lopez ay ang lalaking nag-viral sa video na nagmamaneho habang nasa passenger’s seat at paminsan-minsan ay inaalis pa ang kamay sa manibela at naninigarilyo rin sa loob ng sasakyan.
Nabigo si Lopez na humarap sa LTO sa kabila ng subpoena na ipinalabas laban sa kanya at dahil dyan ay kanya umanong sinayang ang pagkakataon na maidepensa ang sarili.
Sinabi naman ni Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na dapat magsilbi itong babala sa iba pang mga motorista na marapat na sumunod sa mga batas-trapiko at regulasyon.
“Driving on public roads is a privilege. Owning a license is a privilege. When we use those roads, we partake in the shared responsibility of road safety. What Mr. Lopez did was an utter disregard for the safety of motorists and pedestrians. He poses a danger to the public and, therefore, has no place on our public roads,” diin ni Tugade.
141