DROGA BUMABAHA PA RIN SA PINAS

(BERNARD TAGUINOD)

NANINIWALA ang chairman ng House committee on dangerous drugs na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tuloy-tuloy ang pagdating ng mga imported na droga sa bansa.

Patunay aniya rito ang nakumpiskang 575 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P4 Billion mula sa Chinese national na si Hui “Tan” Ming sa Baguio City noong Miyerkoles.

“Oo tuloy-tuloy ang pag-iismuggle dito sa Pinas nyan. Ang pagkakahuli ng malaking volume ng droga ay patunay na pinapalusot ito sa atin mga ports,” pahayag ni Barbers.

Dahil dito, iminungkahi ng mambabatas ang 100 percent inspection sa mga container na galing sa mga bansang karaniwang pinanggagalingan ng ‘tsaabu’ o shabu na naka-impake sa lagayan ng tsaa.

Naniniwala ang mambabatas na mahihirapan ang mga drug lord na mailusot ang ganitong uri ng droga sa mga paliparan sa bansa kaya posibleng inihahalo nila ito sa mga kargamento sa containers at idadaan sa mga daungan sa bansa.

“Itong klaseng “tsaabu” na ito ay nakakalusot sa atin mga ports kaya dapat 100% full inspection ang gawin sa mga container galing sa mga red flag nations na kung saan pwedeng panggalingan ng mga droga sa Asya,” ayon pa kay Barbers.

Umapela rin ang mambabatas sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na bilisan ang imbentaryo at proseso ng mga ebidensyang nakumpiska upang agad masunog at hindi na mapakialaman ng mga ninja cop.

“Dapat bilisan ang pagproseso ng pag-iiimbentaryo ng ebidensyang ‘yan at pagsusunog nang sa ganun ay di na siya ma-recycle ng mga scalawags sa PNP at PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency),” dagdag pa nito.

Ang komite ni Barbers ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa kalakaran ng mga tiwaling operatiba ng PNP at PDEA kung saan nire-recycle umano ng mga ito ang 30 hanggang 70% sa kanilang nakumpiskang droga.

101

Related posts

Leave a Comment