DU30 PAGPAPALIWANAGIN SA TRANSFER NG P47.6-B FUND

IPATATAWAG ni House deputy minority leader France Castro si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na oversight committee hearing ng House committee on appropriations para magpaliwanag sa P47.6 billion na pondo ng Department of Health (DOH) na ipinalipat umano nito sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Pahayag ito ni Castro kasunod ng pag-amin ni dating Health Secretary Francisco Duque III na mismong si Duterte ang nag-utos na ilipat ang nasabing pondo sa PS-DBM noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

“Mag-move tayo next hearing to summon former president Duterte para malaman ang side niya at mabigyan ng chance na magpaliwanag,” ani Castro dahil tulad aniya ng lahat ay may karapatan si Duterte na idepensa ang sarili.

Tungkulin din aniya ng dating Pangulo na magpaliwanag sa taumbayan lalo na’t ang perang ito na inutang lamang ng gobyerno ay ang mga taxpayer ang magbabayad.

Sa huling pagdinig ng nasabing komite, inamin ni Duque na si Duterte ang nag-utos na ilipat ang naturang pondo sa PS-DBM na siyang nagsagawa ng bidding para sa medical supplies na kailangan sa kampanya laban sa COVID-19.

Ang P47.6 billion ay bahagi ng US$2.210 billion o katumbas ng halos P130 billion na inutang ng Duterte administration mula 2020 hanggang 2022 sa ASIAN Development Bank at World Bank.

Lumalabas din na ang P11 billion hanggang P18 billion halaga ng kontrata na naibigay sa Pharmally Corporation na inuugnay sa kanyang dating economic adviser na si Michael Yang ay mula sa P47.6 billion na inutos ni Duterte na ilipat sa PS-DBM.

Ayon kay Castro, lumalabas na basta na lamang inilipat ang nasabing pondo sa PS-DBM na walang memorandum of agreement (MOA) at detalye kung anong mga klase ng supplies ang bibilhin. (BERNARD TAGUINOD)

45

Related posts

Leave a Comment