INFLATION RATE NITONG MAYO BUMILIS SA 3.9%

(CHRISTIAN DALE)

PATULOY ang pagsirit ng presyo ng “consumer goods at services” sa Pilipinas para sa ikaapat na sunod na buwan noong Mayo.

Ito’y sa gitna ng mabilis na pagtaas ng ‘utility at transportation costs’ sa nasabing panahon.

Ayon kay National Statistician at Philippine Statistics Authority (PSA) chief Claire Dennis Mapa, ang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga kalakal at serbisyo, umakyat ng 3.9% noong Mayo, bahagyang tumaas mula sa 3.8% rate noong Abril.

Ito ang “fastest inflation reading” ngayong taon at pinakamabilis sa loob na anim na buwan nang pumalo ang inflation rate sa 4.1% noong Nobyembre 2023.

“May’s print is slower compared to the 6.1% rate recorded in May 2023. Last month’s inflation print brought the year-to-date inflation rate to 3.5%, still within the government’s target band of 2% to 4%. It also fell within the Bangko Sentral ng Pilipinas’ (BSP) projection range of 3.7% to 4.5%,” ayon sa ulat.

Samantala, inaasahan naman ng BSP ang average inflation na makababalik sa target range para sa buong taon ng 2024 at 2025.

“The risks to the inflation outlook continue to lean toward the upside. Possible further price pressures are linked mainly to higher transport charges, elevated food prices, higher electricity rates, and increase in global oil prices,” ayon sa BSP.

“Ang pangunahing dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Mayo kaysa noong Abril ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels sa antas na 0.9%. Ito ay may 56.8% share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa,” ayon kay Mapa.

Ang pangalawang commodity group na nakapag-ambag sa mabilis na May inflation print ay ang transportasyon na may 3.5% rate mula 2.6% (month-on-month), at share na 43.2% sa overall inflation acceleration sa panahon ng nasabing buwan.

Inflation Mapapababa

Kaugnay nito, tiwala si Senate President Francis Escudero na may malaking positibong epekto sa ekonomiya ang hakbang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibaba ang taripa sa bigas at iba pang produkto.

Sinabi ni Escudero na sa sandaling maibaba ang taripa, bababa ang presyo na may epekto sa inflation at sa ekonomiya sa kabuuan.

“May legal na basehan ang Pangulo na i-adjust ang tariff sa ating bansa sa ilalim ng tariff and customs code habang naka-recess ang Kongreso. Malaya siyang pwedeng taasan o babaan ‘to dipende sa pangangailangan ng panahon. Pero ang kapangyarihang ito ay available lamang kapag naka-recess ang Kongreso,” pahayag ni Escudero.

“Sang-ayon ako dahil ang pinakamalaking rason kung bakit tumataas ang inflation sa ating bansa pangunahin ay ‘yung pagtaas ng presyo ng pagkain at pangunahin sa pagkain pagtaas ng presyo ng bigas,” dagdag ng Senate leader.

Kapag nag-resume naman anya ang Kongreso, sinomang mambabatas na tutol sa aksyon ng Pangulo ay malayang maghain ng panukalang batas para iwasto anoman ang sa tingin nilang pagkukulang o pagkakamali.

Kasabay nito, sinabi ni Escudero na nasa kapangyarihan ng Department of Agriculture na tiyakin na mapangangalagaan pa rin ang mga local producer kahit pa dumagsa ang imported products sa bansa.

Umaasa naman ang isang mambabatas sa Kamara na magbubunga ng pagbaba ng presyo ng bigas ang desisyon ng administrasyong Marcos Jr., na bawasan ang binabayarang taripa ng rice importers.

“Dalangin lang natin ay sana magbunga agad ang aksyon na ito at mapababa ang presyo ng bigas para maabot ng mas nakararami sa ating mga kababayan,” ani House Deputy Minority leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman.

Binawasan ng National Economic and Development Authority (NEDA) board ng 15% ang taripa sa bigas mula sa kasalukuyang 35%.

Layon uman nito na maibaba sa P29 ang presyo ng bigas na sa kasalukuyan ay P55 ang pinakamura.

“Ang bigas ay buhay para sa ating mga Pilipino. At kung napakamahal nito at iilan na lamang sa ating mga mamamayan ang may kakayahang bumili, malaki ang problema ng bansa natin,” paliwanag ng mambabatas.

Mayaman man aniya o mahirap ay may kanin sa kanilang hapag kainan subalit sa panahon ngayon, hindi kayang abutin ng mahihirap na pamilyang Pilipino ang presyo ng bigas at iba pang uri ng pagkain.

Ito aniya ang dahilan kaya suportado nito ang desisyon ng NEDA dahil kapag bumaba ang presyo ng bigas ay inaasahan na susunod ang iba pang pangunahing pagkain subalit kailangan ng aksyon para mangyari ito.

(May dagdag na ulat sina DANG SAMSON GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

42

Related posts

Leave a Comment