HINDI interesado si Pangulong Rodrigo Duterte na kasuhan ang taong sinasabing sangkot sa destabilisasyon ng gobyerno.
Sa speech sa campaign rally sa Garcia-Hernandez, Bohol, Miyerkoles ng gabi, sinabi ng Pangulo na lalabas din ang totoo sa paninira sa kanyang mga anak.
Ang pahayag ng Pangulo ay kasunod ng inilabas ni presidential spokesperson Salvador Panelo na diagrams na nagpapakita ng mga taong umano’y nagbabalak pabagsakin ang administrasyong Duterte.
Sinabi ni Panelo na nasa kamay na ng Department of Justice (DoJ) kung itutuloy ang kaso laban sa mga nagbabalak patalsikin sa posisyon ang Pangulo, kabilang umano ang Liberal Party, Magdalo party-list at ilang media outlets.
Idinagdag pa ni Panelo na pag-aaralan ni Justice Secretary Meynardo Guevarra kung mayroong sapat na basehan para ilipat nila ang bagong matrix sa National Bureau of Investigation (NBI).
Nakakuha umano si Duterte ng balidong intelligence information na ayon sa Pangulo ay hindi mula sa isang Filipino.
Ibinunyag pa ng Pangulo na galing sa Magdalo group ang “Ang Totoong Narcolist” videos kung saan inaakusahan ng isang nagpakilalang ‘Bikoy’ ang pamilya Duterte sa illegal drug trade.
125