(NI BERNARD TAGUINOD)
HINDI na itutuloy ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang pagbibigay ng emergency power kay Pangulong Rodrigo Duterte para mapabilis ang flagship projects ng kanyang administrasyon.
“Message sent, message received,” ani House committee on ways and means chair Joey Salceda sa ambush interview ukol sa pahayag ni Duterte na hindi niya tatanggapin ang e-power.
Nangangahulugan na inaabandona na ng Kamara ang nasabing panukala subalit bubuo umano ang mga ito ng oversight committee upang tutukan ang mga proyekto ng gobyerno.
“Nakausap ko na ang Speaker, magtatatag tayo ng committee on oversight, government accountability para po matutukan lahat po (ng projects),” ayon pa kay Salceda.
Unang naghain ng panukala si Salceda na bigyan ng e-power si Duterte matapos mabuko na siyam pa lamang umano sa 75 flagship projects ng Duterte administration sa ilalim ng Build-Build-Build program ay nasisimulan.
Ito ay sa kabila ng nasa huling tatlong taon na lamang ng Duterte administration kaya nais ni Salceda na magkaroon ng e-power ang Pangulo para mapabilis ang mga proyektong ito.
“Very clear kung ano ang gusto ng kongreso. Tapusin nyo po. Sana matapos po ni (Flagship Programs and Projects Secretary) Vince Dizon ang flagship na walang special power,” ani Salceda.
135