(NI BERNARD TAGUINOD)
MAAARING kasuhan economic crime ang mga mambabatas at opisyales ng gobyerno na nasa likod ng Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law na nagpalugmok sa sektor ng pagsasaka.
Ito ang ibinabala ni dating Anakpawis party-list Rep. Ariel Casilao dahil ang mga magsasaka sa ibang bansa ang kanilang binuhay dahil sa nasabing batas kung saan mas marami na ang inaangkat na bigas ang Pilipinas kaysa sa China na may 1.4 bilyon populasyon.
Ayon kay Casilao, kung magpapatuloy ang walang habas na pag-angkat ng Pilipinas ng bigas sa ibang bansa ay darating aniya ang araw na wala nang seguridad sa pagkain ang mga Pinoy at isa itong socio-economic crime.
“The Duterte regime is carrying out a socio-economic crime, and essentially violated the Filipino people’s inalienable right to food and free food and agricultural system,” ani Casilao.
Base sa mga report, tinataya ng United States Department of Agriculture (USDA) na aabot sa 3.1 million metric ton ang aangkating bigas ng Pilipinas na may 110 million populasyon samantalang 2.5 million metric tons lamang sa China.
Hindi umano mangingimi ang grupo ni Casilao na magsampa ng kaso sa mga mambabatas at opisyales ng gobyerno kapag walang ginawa ang mga ito para proteksyunan ang magsasaka at tiyaking hindi aasa lang sa ibang bansa ang mga Filipino sa pagkain.
Kabilang aniya sa maaaring kasuhan ay ang mga economic managers ng Duterte administration, mga mambabatas sa Senado at Kamara nagpasa sa nasabing bansa, mga opisyales ng Department of Agriculture (DA) at maging sa Pangulong Rodrigo Duterte.
162