EVAC CENTER BILL 9-TAONG TINULUGAN SA KONGRESO

kongreso12

NATENGGA ng siyam (9) na taon sa dalawang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na naglalayong magtatag ng evacuation centers sa buong bansa upang may matuluyan ang mga biktima ng kalamidad.

Sa pagsasaliksik ng Saksi Ngayon, unang ipinanukala ni Quezon Rep. Angelina Tan sa pamamagitan ng House Bill 3372 noong Nobyembre 25, 2013 para magtayo ang gobyerno ng mga evacuation center subalit hindi inaksyunan ng House committee on national defense and security.

Ganito rin ang mga hiwalay na panukala nina dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, dating Gabriela party-list Reps. Emmi de Jesus at Luzviminda Ilagan subalit wala ring nangyari.

Ginawa ang nasabing panukala, panahon ng 16th Congress, matapos lumabas sa Global Climate Risk Index na ang Pilipinas ay ikalawa sa Haiti na may pinakamaraming biktima ng mga kalamidad tulad ng bagyo, pagputok ng bulkan at lindol.

Layon din umano ng mga evacuation center na kayang tumayo sa 115 miles per hour na bagyo at 7.2 magnitude na lindol ay upang hindi na magamit ang mga eskuwelahan kapag panahon ng kalamidad.

Muli ring inihain ang nasabing panukala noong 17th Congress o mula noong Hulyo 2017 hanggang 2019 subalit hanggang ngayon ay hindi pa inaaksyunan ang nasabing Kongreso.

Dahil dito, nangangalampag ang mga mambabatas sa liderato ng 18th Congress na bigyan ng atensyon na ang nasabing panukala lalo’t nakita ngayon ang kahalagahan ng mga evacuation center sa pagsabog ng Taal Volcano.

Ayon kay Quezon City Rep. Alfred Vargas, hindi madaragdagan ang pagdurusa ng mga evacuee kung magkaroon ng maayos at matatag na evacuation centers sa buong bansa sa panahon ng kalamidad.

“It has come to our attention that unlike other evacuation centers na may tiled flooring and proper lighting and ventilation, ‘yong evacuees sa Bauan cockpit – kasama na ang maliliit na sanggol – ay nagsisiksikan at sa karton lang nakahiga,” ani Vargas. (BERNARD TAGUINOD)

317

Related posts

Leave a Comment