IKINATUWA ng mababang kapulungan ng Kongreso ang pag-downgrade sa alert level sa Middle East dahil nangangahulugang hindi magkakaroon ng evacuation sa overseas Filipino workers (OFWs) lalo na sa Iran at Lebanon.
Gayunpaman, sinabi ni Makati Rep. Luis Campos Jr., hindi dapat tuluyan nang itiklop ang evacuation plan at patuloy pa ring bantayan ang situwasyon sa Gitnang Silangan.
“We support the downgrading of alert level while keeping in place a ready evacuation plan,” ani Campos.
Magugunita na noong Miyerkules ay itinaas ng gobyerno sa alert level 4 ang situwasyon sa Middle East dahil sa girian ng Iran at Estados Unidos matapos mapatay ng Trump administration sa drone attack ang top-Iranian general na si Qassem Soleimani sa Iraq.
Pinaghahandaan na ang paglilikas sa mga OFW na nasa Iran at Lebanon subalit dahil humupa na umano ang tensyon, ibinaba na ang alert level sa Gitnang Silangan na ikinagalak sa Kamara.
“It has now become apparent that the US-Iran tension is a case of US President Trump “waging the dog” following his impeachment, and that both the US and Iran, despite their saber-rattling, are disinclined to go to war,” ani Campos.
Idinagdag ni Campos na makakabuti sa mga Filipino na nagtatrabaho sa Gitnang Silangan dahil hindi na mabubulabog ang mga ito sa kanilang trabaho at maiibsan na ang pangamba sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan. (Bernard Taguinod)
114