(NI ABBY MENDOZA)
NANINDIGAN ang ilang mambabatas na nagkaroon ng failure of elections sa katatapos na 2019 midterm polls, partikular sa party-list groups, kung saan tinukoy nito ang ginawang pagpapaikli ng Commission on Elections (Comelec) sa balota.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House Committee on Public Accounts kaugnay sa audit observations sa suppliers at contractors ng automated polls, iprinisinta ng Comelec ang archive o kopya ng ginamit na balota noong 2010, 2013, 2016 at 2019 elections kung saan nadiskubre na ngayong 2019 election lamang inilagay sa likod ng mga balota ang party-list groups.
Depensa ng Comelec ang kanilang ginawa na paikliin ang ballot paper ay para makatipid at mapaikli ang pahina ng balota.
Hindi naman tinanggap ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin ang depensa ng Comelec, aniya, dahil sa ginawa ng Komisyon ay nakompromiso naman ang bilang ng mga botante na gustong pumili ng party-list.
Mula sa 63 milyong rehistrado ay 27 milyon lamang umano ang nakaboto habang ang karamihan ay hindi nakita o hindi alam na nasa likod ang pangalan ng mga party-list.
Giit ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo, nakapagdesisyon na ang en banc hinggil sa optimization ng ballot paper bago pa malaman ang kabuuang bilang ng kandidato sa pagka-senador at party-list groups dahil tinutukoy pa ang mga ididiskwalipika sa halalan.
Kaugnay nito, itinutulak ng mga kongresista na gawin na lamang na hybrid ang sistema ng eleksyon — manu-mano ang botohan at bilangan pero electronic ang transmission ng mga resulta.
Ani Casquejo, kung ito ang isusulong ay susunod sila sa ano mang sistema ng halalan na itatakda ng Kongreso, mapa-manu mano, automated o hybrid elections.
136