FARMERS UUNLAD SA RICE TARIFF LAW? ILUSYON! — SOLON

(NI BERNARD TAGUINOD)

NAUWI sa ‘ilusyon’ ang layon ng Republic Act (RA) 11203 o Rice Tariffication Law na mapaunlad ang buhay ng mga magsasaka dahil ito ang naging dahilan kung bakit lalong nabaon sa kahirapan ang mga magsasaka.

Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas sa kanyang privilege speech kaugnay ng naging bagong  kalagayan ng mga magsasaka sa bansa dahil sa nasabing batas.

“Unang-una sa lahat, nais ng kinatawang ito na basagin ang pag-iilusyon ng gobyerno na ang Rice Tariffication Law ay nakakatulong at para sa mga magsasaka. Sa mga barangay pa nga lamang ng Nueva Ecija na Brgy. Sta. Maria at Brgy. San Juan, pinakamahal na palay na ang P8 kada kilo,” ani Brosas.

Sa Tarlac naman aniya ay normal na umano ang P7 kada kilo na presyo ng palay habang sa Pampanga ay naglalaro naman sa P9 hanggang P11.

Napakalayo aniya ito sa P22 hanggang P23 kada kilo na presyo ng palay bago ipatupad ang nasabing batas noong Marso 2019 kaya luging-lugi na umano ang mga magsasaka.

Dahil dito, imbes na matulungan aniya ang mga magsasaka na makaahon sa kahirapan ay lalong nalugmok ang mga ito sa kahirapan at nabaon pa ang mga ito sa utang.

“Nitong Agosto, nakaraang buwan nga lamang, may nagpakamatay nang magsasaka sa San Jose, Nueva Ecija dahil nalugi, nabaon sa utang buhat ng sobrang babang bentahan ng palay! Tapos ang solusyon ng DA ay pautangin pa silang muli?!,” ani Brosas.

Nangangamba din ang mambabatas na tuluyang abandonahin ng mga magsasaka ang kanilang pagtatanim ng palay dahil sa batas na ito na kapag nangyari anya ay mas malaking problema dahil hindi na mangyayari ang pangarap ng Pilipinas na maging self-suficient sa pagkain.

Dahil dito, inilarawan ng mambabatas na ilusyon lang ang pangako ng nasabing batas na iaangat ang buhay ng mga magsasaka dahil lalong nawalan umano ang mga ito ng laban sa mga imported na bigas na inaangkat ng mga rice traders sa Vietnam at Thailand.

 

241

Related posts

Leave a Comment