SIMULA sa second quarter ng school year, maaari nang i-adopt ng mga eskuwelahan ang class schedule base sa kanilang pangangailangan at kakayahan.
Ibinatay ito sa revised policy ng Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng MATATAG K-10 curriculum.
Nakasaad sa DepEd Order (DO) No. 012, s. 2024, nilagdaan ni Education Secretary Sonny Angara, pinapayagan ang mga paaralan na gumamit ‘flexibility’ para ipatupad ang bagong curriculum bilang pagbibigay konsiderasyon sa kanilang ‘specific contexts’ gaya ng, subalit hindi naman limitado sa, klase at laki ng eskuwelahan, curricular program offerings, at availability ng mga guro at silid-aralan.
Sinasabing nag-aalok ang bagong probisyon ng tatlong opsyon para sa pag-adjust ng instructional time, lalo na para sa Grade 3 hanggang 10.
Una rito ay ang paglalaan ng 45 minuto sa isang araw para sa limang araw para sa lahat ng learning areas, at Homeroom Guidance Program para sa 45 minuto isang beses sa isang linggo, dati ng nakasaad sa DO No. 10, s. 2024.
Samantala, batay sa inamyendahang polisiya, ang mga eskwelahan ay pinapayagan na magbigay ng ‘uniform time allotments’ na 50, 55, o 60 minuto sa bawat learning area.
Inatasan naman ang schools division offices na tiyakin na ang technical assistance ay ibinigay sa mga eskwelahan bilang paghahanda sa class programs.
Dapat ding tiyakin ng mga eskuwelahan ang patas at pantay-pantay na distribusyon ng ‘teaching loads’ habang pinoprotektahan ang kapakanan ng mga guro. (CHRISTIAN DALE)
93