NAIS ng isang dating kongresista sa Kamara na imbestigahan kung paano ginamit ng nakaraang administrasyon ang P6 trilyon na kanilang inutang kasama ang gastos sa paglaban sa COVID-19.
Ginawa ni dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares ang panawagan sa Kongreso dahil maging ang Health Emergency Allowance (HEA) ng healthcare workers na ipinangutang ng nakaraang administrasyon ay hindi pa naibibigay nang buo hanggang ngayon.
Ayon kay Colmenares, 90 percent pa lamang umano sa P103.5 billion HEA funds ang naibibigay ng Department of Health (DOH) gayung nautang na ito ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at bahagi ito ng P6 trillion na kanyang inutang sa loob ng anim na taong termino nito bilang pangulo.
“2024 na, pero hindi pa buong nabigay ang Php 103 Billion para sa health emergency allowance. 90% pa lang. Nasaan na ang halos P6 trillion na inutang ni Duterte noong termino nya?,” tanong ng mambabatas.
Karapatan aniya ng taumbayan na malaman kung papaano o saan ginamit ang napakalaking utang na ito lalo pa’t sila ang magbabayad nito sa pamamagitan ng kanilang buwis.
Dahil dito, kailangan aniyang panagutin si Duterte at Department of Budget and Management (DBM) sakaling matuklasang nauwi sa katiwalian ang perang inutang.
Sa pinakahuling report aniya ng DBM, P570.04 billion lamang ang laan para sa COVID-19 pandemic kaya kailangang masagot kung bakit umabot sa P6 trilyon ang inutang ng dating pangulo. (BERNARD TAGUINOD)
43