Full-time DA secretary italaga MARCOS JR. PINAGBIBITIW

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

NANGANGANIB ang sikmura ng mga Pilipino sa desisyon ng desisyon ng India na itigil ang pag-export ng bigas, pagkontrol ng Vietnam sa kanilang rice importation, pananalasa ng bagyong Egay at maging ang problema sa Ukraine deal.

Ito ang babala ni Batangas Rep. Ralph Recto, na itinuturing na quadruple whammy sa mga Pilipino lalo na’t ang Pilipinas ang pangalawa sa mundo na nag-iimport ng bigas at ika-anim naman sa wheat importer.

“Ito ang suntok sa sikmura na dapat paghandaan nating lahat. These developments are the sound of empty pots clanging,” pahayag ng kongresista.

Mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos aniya ang nagbabala na tataas ang presyo ng bigas matapos madale ng bagyong Egay at Falcon ang tatlong rehiyon na pinagmumulan ng 44% ng supply ng bigas tulad ng Ilocos, Cagayan Valley at Central Luzon.

Subalit ang mas malaking banta sa kagutuman ay ang posibilidad na walang makuhang bigas sa ibang bansa lalo na sa India at Vietnam kaya kailangan makagawa ng paraan ang gobyerno para masiguro na maging self-sufficient.

“Hindi na madaling umorder ng unli rice sa mundo. Ang binibitawan lang ng ibang bansa ay ang kanilang surplus production. Priority nila ang local demand. And this is where grains nationalism comes in. Kasi kung walang bigas sa mesa, mag-aalsa ang masa,” ayon pa sa mambabatas.

Ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas, kung nais ni Marcos na tumayo sa sariling paa ang bansa pagdating sa supply ng bigas, kailangang amyendahan nito ang Rice

Liberalization Law at buhusan ng tulong ang mga magsasaka.

Dahil aniya sa nasabing batas, iniwan ng mga magsasaka ang pagsasaka ng palay dahil sa kanilang matinding pagkalugi nang bumaha ng imported rice subalit ngayong wala nang makukuhang supply sa ibang bansa ay nasa bingit ng kagutuman ang mga Pilipino.

“While we acknowledge the need to address the current shortage of rice stocks, we believe that the solution lies in supporting our local farmers and improving our domestic rice production. The President must be reminded that he is running the Department of Agriculture and not Department of Rice Importation,” ayon kay Brosas.

Kasabay nito, nagbabala rin kahapon si Senate committee on public services Chairperson Grace Poe ng posibleng rice crisis kasunod ng desisyon ng India na itigil na ang pag-eexport ng bigas.

Ito ay bunsod na rin ng kakapusan ng suplay ng bigas dahil sa pagbaha sa India na nakaapekto sa kanilang mga palayan.

Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Poe na posibleng tumaas pa ang global rice prices bilang collateral impact ng pagtigil ng rice exportation ng India.

Hindi naman anya masisisi ang India sa kanilang desisyon dahil kailangang unahin nila ang kanilang 1.4 billion na mamamayan.

Subalit ipinaalala ni Poe na may obligasyon din ang bansa sa 113 million Filipinos, partikular sa 3.4 million na mga estudyante na umaasa sa feeding program.

Hinimok din ni Poe ang gobyerno na magtalaga ng full-time Agriculture Secretary; ayusin ang irrigation systems; tuparin ang pangakong habulin ang mga smuggler at hoarders at tiyakin ang sapat na budget para sa 2024.

Samantala, inihayag ni Senate President Juan Miguel Migz Zubiri na irerekomenda niya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng rice producing zones sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa bawat rice producing zone anya ay dapat italaga ang mga DA Undersecretary at Assistant Secretary para tutukan ang produksyon at kung hindi maging produktibo ay agad silang tanggalin sa pwesto.

79

Related posts

Leave a Comment