Gamit ang kalamidad – farmers BBM ADMIN LALONG BABAON SA RICE IMPORTATION

NANGANGAMBA ang isang grupo ng mga magsasaka na posibleng gamitin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang mga nagdaang bagyo tulad ni severe tropical storm Kristine para pahabain pa ang pang-angkat ng bigas sa bansa.

Base sa report ng Department of Agriculture (DA), P4.66 billion ang halaga ng palay na nasira dahil sa bagyong Kristine kaya hindi isinasantabi ng grupo ni Amihan spokesperson Cathy Estavillo na posibleng dagdagan ang aangkating bigas ng gobyerno.

Resulta aniya ito sa patuloy na pagbabalewala ni Marcos sa panawagan ng mga magsasaka na tulungan sila para mapataas pa ang kanilang produksyon na sa kasalukuyan ay 83 kaban lamang ang naaani kada ektarya.

“Ang problema sa gobyerno, imbes na resolbahin ang pagliit ng produksyon ng palay at matulungan ang mga magsasaka na makarekober, awtomatikong ang sagot ay importasyon. Kami ay kritikal dito, lalo na’t paulit-ulit na ang ganitong sistema, sa kabila ng aming panawagan na huwag gawing justification ang kalamidad para mag-import, kundi paunlarin ang lokal na produksyon,” ani Estavillo.

Matagal na aniyang nanawagan ang mga ito na suportahan ang mga magsasaka na maitaas sa 100 kaban ng palay ang maaani bawat ektarya dahil kayang gawin umano ito sa iba’t ibang lugar sa bansa kung may sapat na puhunan.

Kung matupad aniya ito, kahit magkaroon ng bagyo o El Nino ay hindi kakapusin ng supply ng bigas ang bansa subalit hindi umano sila pinapansin ng pangulo dahil ang laging solusyon umano nito kapag nagkaroon ng problema ay importasyon.

Ipinaliwanag ni Estavillo na kung maitaas sa 100 kaban ang aning palay sa bawat ektarya sa 2.8 ektaryang sakahan, madaragdagan ng 2.4 million metric tons ang rice production kaya mula sa 11.9 MT ay magiging 14.3 million na ito.

Kalahati ito sa 4.9 MT na iniangkat ng gobyerno ngayong 2024 kaya dismayado ang grupo ni Estavillo dahil imbes na ang mga lokal na magsasaka ang tinutulungan ni Marcos ay ang nasa ibang bansa tulad ng Vietnam at Thailand.

“Sa totoo lang, dapat singilin ang gobyerno dito lalo na’t paulit-ulit ang kalamidad sa bansa at patuloy na apektado ang mga magsasaka sa palayan. Panahon pa lang ng El Niño, ipinanawagan na namin na magkaroon ng kumprehensibong plano at bigyan ng kompensasyon ang mga magsasaka, ngunit walang tugon si Marcos. Ngayon nga, palala nang palala ang krisis sa klima kasabay pa ng man-made calamities na lalong nagpahirap sa sitwasyon ng mga magsasaka,” dagdag pa ni Estavillo. (BERNARD TAGUINOD)

7

Related posts

Leave a Comment