GASTOS NG PINAS SA EDCA SITES PINADEDETALYE

PINAGSUSUMITE ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas si Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ng detalye kung magkano ang ginagastos ng mga Pilipino sa mga Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa ngayon.

Ayon sa mambabatas, bukod sa libre ang mga lupain na ginagamit ng United States Armed Forces ay ang mga Pilipino ang nagbabayad sa kanilang tubig at kuryente subalit dahil sensitibo ang nasabing isyu ay hiniling ni Teodoro na isiwalat na lang niya ito sa executive session.

Dismayado rin si Manuel dahil tila hindi alam ni Teodoro ang U.S.-Philippines Bilateral Security Guidelines (BSG) sa pagitan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos at US President Joe Biden.

Sa nasabing kasunduan, nakasaad umano sa item number 3.a, ang mga katagang “coordinate closely on the Philippines’ defense budget planning, including through the development of a Security Sector Assistance Roadmap to identify priority defense platforms and force packages over the next five years to bolster our combined capabilities and capacity to resist coercion and deter aggression”.

Gayunpaman, lumalabas na hindi ito alam ni Teodoro matapos nitong itinanggi na may papel ang US sa pagbuo at pagpaplano ng DND sa pambansang pondo ng depensa ng Pilipinas.

Kaugnay nito, ipinagtanggol ni Teodoro ang P232.2 billion budget ng DND sa susunod na taon na mas mataas ng 12 porsyento kumpara sa P203.4 billion ngayong taon.

Bukod ito sa P50 billion na nakalaan sa AFP modernization program kung saan gagamitin ang pondong ito sa pagbili ng mga kagamitang pandigma tulad ng warship at iba pa.

“Ang ibig sabihin ay humahabol tayo sa defense spending na hindi nagawa noong araw. A peso delayed now ay magbabayad ka ng tatlong piso sa susunod na taon kasi walang bansa sa buong mundo na walang malakas na national defense,” ani Teodoro matapos kuwestiyonin ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang 12% increase ng DND budget.

Ayon sa mambabatas, mas mataas ang dagdag na pondo ng DND kumpara sa Department of Education (DepEd) na umaabot lamang ng mahigit 9 percent.

“Yan ang ibig sabihin niyan, na humahabol tayo sa kapabilidad ng iba dahil may karera sa palakasan ng mga bansa ngayon lalo na sa kanilang kakayahang ipagtanggol ang kanilang teritoryo at kanilang sarili,” ayon pa kay Teodoro.

(BERNARD TAGUINOD)

85

Related posts

Leave a Comment